Dear Attorney,
More than ten years na po kaming hiwalay ng aking asawa at mayroon na rin po siyang kinakasamang ibang babae. Ako naman po ay matagal ng OFW at marami na rin po akong naipundar. Gusto ko lang po sanang itanong kung maari pa bang humingi siya ng suporta sa akin at maari pa ba siyang makihati sa mga ari-ariang naipundar ko kahit matagal na kaming hiwalay? — Amelia
Dear Amelia,
Ayon sa Article 100 ng Family Code, kung ang dalawang tao ay ikinasal at hindi naman napapawalang bisa ng korte ang kanilang kasal ay hindi magbabago ang katayuan nila bilang mag-asawa, kabilang na ang relasyon nila patungkol sa usapin ng kanilang mga ari-arian kahit pa sila ay magkahiwalay at namumuhay na ng kanya-kanya. Ibig sabihin, tuloy pa rin ang responsibilidad ng bawat isa na magbigay ng suporta sa asawa nila. Bukod dito, mananatili rin silang magkatuwang sa pagmamay-ari sa mga ari-arian nila sa kabila ng kanilang pisikal na paghihiwalay.
Hindi naman ibig sabihin nito ay wala nang hangganan ang obligasyon na magbigay ng suporta sa asawa. Nakasaad din kasi sa Article 100 na kung ang asawa ay umalis sa bahay nang walang nararapat na dahilan, wala nang obligasyon upang siya ay bigyan ng suporta ng kanyang kabiyak. Kaya sa sitwasyon mo, wala nang maaring asahang suporta sa iyo ang asawa mo lalo na’t mayroon na naman siyang kinakasamang iba.
Pagdating naman sa mga ari-arian, mananatili pa ring “conjugal” ang mga ito kaya magkatuwang pa rin ang mag-asawa sa pagmamay-ari ng mga ito kahit pa matagal na silang hindi nagsasama. Maari lamang hatiin ang mga ari-arian ng mag-asawa kung legally separated na sila ayon sa desisyon ng korte o kung tuluyan nang napawalang-bisa ang kanilang kasal. Dahil dito, kakailanganin mong magsampa sa korte ng kaso para sa legal separation n’yong dalawa o kung may sapat kang dahilan, para sa tuluyang pagpapawalang bisa ng inyong kasal. Kung hindi kasi idedeklara ng korte na kayo ay legally separated na o wala ng bisa ang inyong kasal ay mananatiling “conjugal” o magkatuwang pa rin ang inyong pag-aari sa mga ari-arian n’yo, kabilang na ang mga naipundar mo mag-isa bilang OFW.