INSTANT milyonaryo ang isang aso sa Tennessee matapos itong magmana ng $5 million (katumbas ng P250 milyong) mula sa kanyang namayapang amo.
Siniguro ng Nashville businessman na si Bill Dorris na kasama ang pangalan ng alaga niyang border collie na si Lulu sa listahan ng kanyang pamamanahan bago siya pumanaw sa edad na 84 noong nakaraang taon.
Pinangalanan din sa will ang 88-anyos na si Martha Burton bilang caretaker ni Lulu. Napili si Burton dahil kapitbahay siya ni Dorris at siya ang nag-aalaga sa aso kapag umaalis nang matagal ang amo nito. Nakasaad sa will na babayaran si Burton para sa lahat ng buwanang gastusin ni Lulu basta’t “reasonable” o makatwiran iyon.
Ayon kay Burton, masaya siya na maging caretaker ni Lulu lalo na’t mabait naman daw itong aso.