KUNG ang La Paz Batchoy ay para sa mga Ilonggo, ang aming bayan ay may sariling version ng batchoy. Ito ay giniling na karne ng kalabaw na iginisa sa bawang, sibuyas, luya, patis, paminta. Pakukuluan sa hugas-bigas, tapos hahaluan ng atay na ginayat nang maninipis, miswa, at talbos ng sili.
Masarap mag-batchoy ang aking ama. Binata pa siya, tagaluto na siya ng kanyang pamilya kaya sanay na sanay sa pagluluto. Ang aking ina ay maagang napasabak sa paghahanapbuhay kaya hindi siya natutong magluto. Siya ang ipinagluluto ng kanyang ina. Si Tatay, palibhasa ay naulila sa ina noong pitong taong gulang pa lang, kaya siguro napilitang mag-aral magluto.
Noong bata pa kami, si Tatay ang nagluluto kapag walang pasok sa trabaho. Tulong na niya iyon sa aking ina na abala araw-araw sa mga gawaing bahay.
Isang araw, nagluto ng batchoy ang aking ina. Nang aking kainin ay hindi ito kasing sarap ng batchoy ni Tatay. Parang may kulang. Pero nagpatuloy ako sa pagkain.
Gabi na nang dumating si Tatay. Magkasalo silang kumain ni Nanay. Pagkahigop ni Tatay ng batchoy ay buong katuwaan na nagsalita ito:
“Wow, delicioso!” puri nito sa luto ni Nanay.
Naririnig ko ang kanilang pag-uusap dahil nasa kusina ako at naghuhugas ng pinggan. Napangiti ako. Sa loob-loob ko, “Nakuuu, nambola pa si Tatay. Matabang ang batchoy, hindi masarap!”
Nasa labas ng bahay ang aking ina kaya sinamantala kong bulungan ang aking tatay. “Itay, nagsisinungaling ka, matabang ang batchoy ni Nanay.”
“Anak, hindi naman sasakit ang aking tiyan sa matabang na batchoy, pero masasaktan ang kalooban ng nanay mo kung pipintasan ko ang luto niya. Pagod na pagod ang nanay mo sa maghapong pagtatrabaho rito sa bahay, napakalupit naman natin kung hindi natin siya pupurihin paminsan-minsan.”