Lalaki, tumakbo ng nakayapak sa snow para sa world record
ISANG Norwegian runner ang sinasabing nakapagtala ng bagong Guinness World Record nang takbuhin niya ang isang half-marathon sa loob ng 1 oras, 44 minuto at 58 segundo habang nakayapak sa snow .
Ayon kay Jonas Felde Sevaldrud ay na-inspire siya ng librong Born to Run ni Christopher McDougall para tumakbo ng nakayapak at noong una ay nagulat siya nang hindi siya masyadong nahirapan nang gawin niya ito sa snow.
Dahil dito, nagpasya si Sevaldrud na higitan ang world record ng Dutch athlete na si Wim Hof na naitala noong 2007 nang takbuhin ang isang half marathon habang nakayapak at sa ibabaw ng yelo at niyebe sa loob ng 2 oras, 16 minuto, at 34 segundo.
Ayon kay Sevaldrud, kinailangang itigil ang una niyang attempt matapos siyang makatapak ng matatalas na yelo na nagdulot ng pagkasugat sa kanyang paa.
Hindi naman siya nawalan ng pag-asa dahil matapos magpagaling ng ilang linggo ay naging madali na muli ang pagtakbo ni Sevaldrud sa snow. Nahigitan pa nga raw niya ang kanyang sariling target na 1 oras at 50 minuto.
Ngayon ay hinihintay na lang ng Norwegian runner kung kikilalanin na ng Guinness ang bagong world record na kanyang naitala.
- Latest