EDITORYAL - Child Car Seat Law ‘wag munang i-implement
MARAMING naghihikahos ngayon dahil sa pandemya. Marami ang nawalan ng trabaho at ang iba ay binawasan ng suweldo para lang magtuluy-tuloy ang operasyon ng kompanya. Pero itong Land Transportation Office (LTO) ay atat na ipatupad ang batas na apektado ang mamamayan. Puwede namang huwag munang iimplement agad ang Child Safety in Motor Vehicles Act o ang Republic Act No. 11229. Pero noong Martes (Pebrero 2) sinabi ng LTO na dapat sumunod ang mga may-ari ng sasakyan na lagyan ng car seat para sa mga bata ang sasakyan kundi ay pagmumultahin ang motorista. Ang car seat ay para sa mga 1-taon hanggang 12-taong bata depende sa laki o bigat nito.
Isang LTO official ang binatikos dahil sinabi nito na kung masyadong malaki ang bata para sa car seat, dapat lakihan ang sasakyan. Nagpakilala lamang ito na hindi handa ang LTO sa pagpapatupad ng batas sapagkat may kababawan ang sagot ng opisyal. Halatang hindi alam ang mga sinasabi niya ukol sa ipinatutupad na batas. Nagpaumanhin naman ang LTO official at sinabing nagbibiro lamang siya.
Dahil sa ura-uradang pagpapatupad ng Child Car Seat Law, may mga nagbilihan nito kahit second hand para lamang huwag mahuli at magmulta. Pero sabi naman ng LTO hindi pa ipatutupad ang paghuli sapagkat magkakaroon pa umano ng information campaign sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.
Sabi ng House Committee on Transportation, magsasagawa sila ng pagdinig sa Pebrero 10 para hilingin sa pamahalaan na huwag munang ipatupad ang batas. Nilagdaan ni President Duterte ang batas noong Pebrero 22, 2019.
Dapat munang magkaroon ng kunsultasyon sa batas na ito at huwag munang basta-basta ipatupad. Maraming naghihirap sa buhay dahil sa pananalasa ng pandemya. Maraming nawalan ng trabaho. Aagawin pa ba sa budget ang pambili ng car seat para lamang makasunod sa batas? Puwede namang ipatupad ito kapag naging normal na ang buhay. Hindi pa rin naman magagamit ang car seat dahil bawal pang lumabas ang mga bata. Sana maitindihan ng LTO ang kalagayan ng naghihirap na mamamayan.
- Latest