EDITORYAL - Tiyakin ang kaligtasan sa bakuna
PREPARADO na ang bansa sa mass vaccination. Nakalatag na ang mga plano. Sabi ng National Task Force (NTF) against COVID-19, ngayong buwan ay maaari nang simulan ang vaccination. Sa memorandum na ginawa noong Enero 26, sinabi ng NTF na kasado na sa isasagawang pagbabakuna sa mamamayan sa sandaling dumating ang mga biniling bakuna. Mayroon na anilang direksiyon at nakipag-ugnayan na sila sa government at private stakeholders para sa maayos na rollout ng vaccines. Lahat nang ahensiya ng NTF ganundin ang regional at local task forces and vaccination centers ay inaatasang ipatupad ang memorandum. Sinabihan na rin ang local governments na magtayo na ng vaccination operation centers (VOCs) sa lalong madaling panahon.
Nakasaad sa plano na uunahing bakunahan ang mga health workers, sunod ang senior citizens, indigent population at uniformed personnel. Nakasaad din na magiging priority sa deployment process ang mga lugar na mataas ang COVID cases. Kapag naibigay na ang unang dose ng bakuna, magkakaroon ng monitoring for adverse effects. Ito ay para malaman kung ano ang mga naging epekto ng bakuna at makagawa ng aksiyon at mga imbestigasyon. Dito rin malalaman ang mga feedback at iba pang report para makagawa naman ng analysis.
Ang memorandum ay nilagdaan ni NTF chief implementer Carlito Galvez Jr., chairman Delfin Lorenzana at vice chairman Eduardo Año. Nakatakdang dumating ang may siyam na milyong doses ng bakuna mula Pfizer-BioNtech at AstraZeneca ngayong buwan o sa Marso sa ilalim ng COVAX facility, sabi ng NTF.
Kung ang NTF ay nagbibigay ng pag-asa, ganito rin ang hatid ng National Economic Development Autho-rity (NEDA) na nagsabing posibleng magkaroon na ng relaxed quarantine sa Metro Manila sa Marso kung patuloy na susunod sa health protocols ang publiko. Sabi ni Kari Chua, NEDA acting director general na ang kooperasyon ng mamamayan ang kailangan para magkaroon ng relax quarantine sa susunod na buwan.
May nakikita nang silahis ng liwanag dahil para-ting na ang bakuna. Sana maging maayos at ligtas ang mga bakuna. Pawiin ang pangamba ng mamamayan sa pamamagitan ng tamang kaalaman ukol sa bakuna. Marami pa rin ayon sa surbey na ayaw magpabakuna. Kailangang mabago ang pananaw at paniniwala ng mamamayan ukol dito.
- Latest