General Baccay, pang-RD na ang kilos!

MASIGASIG ang mga programa ni Eastern Police District (EPD) director Brig. Gen. Matthew Baccay, hindi lang kontra kriminalidad at drug syndicates, kundi maging “to win the hearts and minds” ng taga-Metro East. Malakas ang paniniwala ni Baccay na kapag kakampi ng pulisya ang mga residente ng eastern Metro Manila ay napakadali na ang pakikibaka laban sa kriminalidad at droga.

Kung sabagay, kapag may tiwala na ang mamamayan sa mga kapulisan, aba ituturo ng mga ito ang mga lungga ng kriminal at droga kaya’t swak kaagad  sila sa kulungan, ‘di ba mga kosa? Kaya kung anu-anong proyekto na ang inilatag ni Baccay at ang tinatarget niyang tulungan ay ‘yung mga mahihirap para hanguin din ang pamilya nila sa kahirapan. Mismoooo!

Ang masasabi kong pinaka sa mga proyekto ni Baccay ay ang “dopt-a-student” program kung saan ang mahihirap na estudyante ay binibigyan ng cash incentives at gadgets para hindi pumalya sa klase nila.

“Nais naming ipadama sa ating mga kababayan na ang inyong kapulisan ay may puso sa pagtulong sa abot ng aming makakaya dahil hangad din naming magtagumpay ang mga mag-aaral upang makatulong sila sa kanilang mga magulang,” ani Baccay.

Sa totoo lang, kapag nakapagtapos ng pag-aaral ang mga estudyante na natulungan ni Baccay sa programa niya eh di mapalayo sila sa krimen at droga, di ba mga kosa? Mismoooo! Hak hak hak!           Di ba may pinagawan ding bahay si Baccay sa Marikina na biktima ng baha?

May apat na Grade 12 students at dalawang Grade 9 naman ng Nagpayong High School sa Bgy. Pinagbuhatan sa Pasig City ang nabiyayaan ng P10,000 na tulong at 2 Huawei Matepad sa seremonyang ginanap sa EPD Multi-Purpose hall.

Ayon kay Maj. Eric Dister, assistant chief ng District Community Affairs and Development Division, ang programa ng EPD ay naglalayong gabayan ang mga mag-aaral na galing sa nagdarahop na pamilya ngunit nagsusumikap na makapagtapos ng pag-aaral sa gitna ng pandemya. Kasama sa programa ang pagbisita sa mga mag-aaral sa kanilang eskuwelahan kada buwan para siguruhing nasa tamang landas sila, ani Dister.

Siyempre, lubos ang pasasalamat ng mga magulang ng mga estudyante sa ayuda ng EPD dahil hindi lang mga mag-aaral ang natulungan kundi maging sila man. Get’s n’yo mga kosa? Hehehe! Naiiba talaga itong si Baccay, ano mga kosa?

Siyempre, nais ding pasalamatan ni Baccay ang kanilang mga stakeholders gaya nina John Nathaniel Fabico, President/CEO, Sabon Station Philippines, at Capt. Jeffrey Rodriguez, general manager, Ultraship Crewing Philippines Inc, na hindi nagsawa sa pagsuporta ng mga programa ng EPD.

Kasama sa binigyang parangal ni Baccay at Dister si Jolibeth R. Ema, ang coordinator nila sa Nagpayong National High School. Hehehe! Pang-RD na itong mga kilos ni Baccay ah! Ano sa tingin mo Philippine National Police (PNP) chief Gen. Debold Sinas Sir? Hak hak hak! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan! Abangan!

Show comments