Mamundok para pumayat
Lumilitaw sa panimulang pag-aaral ng isang grupo ng mga researcher ng Ludwig Maximilians University sa Munich, Germany sa pangunguna ni Dr. Florian Lippl na nakakapayat ang paninirahan o paglalagi sa bundok at ibang matataas na lugar.
Panimulang pag-aaral pa lang iyon dahil 20 tao lang naman ang sinaklaw ng pananaliksik at kailangan pa ang ibayong pag-aaral para higit na mapatunayan na nakakapayat ang pananatili sa kabundukan at matukoy ang tunay na dahilan nito.
Gayunman, sa pag-aaral na ginawa nila, lumitaw na nababawasan ang timbang ng mga matataba nang hindi kailangang magdiyeta sa pagkain. Mahina rin silang kumain kahit pinapayagang kumain ng kahit anong pagkain. Nang bumalik sa kapatagan ang mga matatabang ginawan nila ng pag-aaral, nanatiling mababa ang timbang ng mga ito nang ilang linggo.
Hinihinala ng mga researcher na nakapagpababa sa timbang ang manipis na hangin sa bundok na dahilan para mabawasan ng ganang kumain ang isang tao. Bukod dito, nasusunog ang calories sa kanyang katawan kahit hindi nag-eehersisyo.
Sinasabing ang mga naunang pananaliksik na nagsasaad na nakakabawas ng timbang ang pananatili sa matataas na lugar ay sumasaklaw lang sa mga atleta at hikers.
Dahil dito, sinubukan nina Lippl na alamin kung mababawasan din ang timbang ng mga matataba kapag tumitigil sila sa matataas na lugar at lumitaw nga na pumayat ang mga taong ginamit nila sa pag-aaral.
Karamihan nang sumali sa pagsubok ay may timbang na 230 pound o 105 kilogram pero nabawasan sila ng 3.3 pound makaraang tumigil sa bundok. Habang nasa mataas na lugar sila, hinahayaan silang kumain ng kahit ano pero hindi pinapayagang mag-ehersisyo. Gayunman, tila nawawalan sila ng ganang kumain habang nasa itaas. May 734 calories ang nababawas sa kanilang katawan bawat araw sa loob ng dalawang linggong pananatili nila sa bundok.
At nanatiling mababa ang kanilang timbang sa loob ng apat na linggo pagbalik nila sa kapatagan.
Pero, batay na nga sa babala ng mga researcher, panimulang pag-aaral lang iyon. Hindi pa siya depenidong konklusyon na papayat nga ang isang matataba kapag namirmihan sila nang ilang araw sa bundok. Maaaring hindi sa lahat ng matataba ay epektibo ang ganitong paraan.
Anuma’t anuman, isa ito sa maaaring maging alternatibo para sa mga matataba na karaniwang nagkakaproblema sa mga sakit sa puso, diabetes at alta presyon.
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest