Dear Attorney,
May plano po akong bilhin na lupa ngunit bukod po sa tax declaration ay wala na pong maipakitang ibang dokumento ang nagbebenta sa akin. Puwede na po ba akong umasa sa tax declaration kahit walang titulong maipakita sa akin bago ko bilhin ang lupa?—Marky
Dear Marky,
Ang tax declaration ay hindi katumbas ng titulo kaya hindi ka maaring umasa lamang sa tax declaration kung gusto mong makapampante sa pagbili mo ng lupa.
Malinaw ang sabi ng Korte Suprema sa kaso ng Palali v. Awisan (G.R. No. 158385, February 12, 2010) na ang tax declaration ay hindi konklusibong pruweba ng pagmamay-ari ng lupa. Ayon din sa Korte Suprema sa kaso ng Daclag v. Macahilig (G.R. No. 159578, July 28, 2008) ay hindi maaring asahan ang tax declaration dahil wala namang nakasaad sa tax declaration na nagbibigay ng titulo o pagmamay-ari sa sinumang nakapangalan doon.
Tanging ang pagbabayad lamang ng amelyar o real property tax kasi ang makikita mong nakasulat sa tax declaration. Maari lamang silang gamiting pangsuporta sa ibang pruweba ng pagmamay-ari katulad ng aktwal na titulo at aktwal na pag-okupa sa lupa.
Sa madaling sabi, hindi ka makakasiguro na protektado ka sa panloloko pagdating sa bentahan ng lupa kung ang tanging ipakikita sa iyo ng nagbebenta ay ang tax declaration nila.
Mas mabuti kung umiwas ka na lang sa pagbili ng lupang sinasabi mo kung ang tanging dokumento na ipinakikita sa iyo ng nagbebenta sa iyo ay ang tax declaration at wala ka nang makitang ibang bakas ng pagmamay-ari mula sa nagbenta katulad ng pag-okupa sa lupa o ang Deed of Absolute Sale nito.
Halos walang halaga ang tax declaration bilang pruweba kung ownership ng lupa ang pag-uusapan dahil kahit sino naman ay maaring bayaran ang amelyar ng isang real property.
Hindi naman inaalam ng gobyerno kung ang may-ari ba ang nagbayad dahil ang tanging mahalaga ay ang makolekta nila ang kaukulang buwis mula sa lupa.