EDITORYAL - Hayaang pumili ng bakuna ang mamamayan
HINDI raw puwedeng maging choosy sa brand ng bakuna ang mamamayan, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque. Bagama’t may karapatan daw ang lahat na magkaroon ng mabuting kalusugan, hindi naman daw dapat maging pihikan ang mga babakunahan. Ayon kay Roque, maraming Pilipino ang dapat bakunahan kaya hindi dapat maging pihikan. Hindi maaaring mamili dahil hindi naman pipilitin ang mga ayaw magpabakuna. Kailangan din daw lumagda sa waiver ang ayaw magpabakuna lalo na’t kung kasama ito sa listahan ng mga prayoridad na babakunahan.
Idinagdag pa ng Spokesman na hindi mako-kontrol ng gobyerno kung ano ang mga darating na bakuna kaya hindi dapat maging pihikan o mamili ang mamamayan. Walang pilian sapagkat libre naman daw ang bakuna.
Maraming sumasalungat sa sinabing ito ni Roque. Ilang doctor ang nagpahayag na hindi dapat pigilan ang mamamayan sa pagpili sa gustong bakuna. Hayaan daw ang mga babakunahan ang pumili sa vaccine at hindi kung ano ang gusto ng pamahalaan.
Una nang sinabi ng pamahalaan na marami namang bakunang pagpipilian kaya hindi naman siguro masama kung makapili ang mamamayan nang ituturok sa kanila. Kabilang sa mga hinihintay na bakuna ay ang Pfizer, AstraSeneca, Johnson & Johnson at mga bakuna na gawa ng Sinovac at Sinopharm.
Lahat umano ng mga ito ay epektibo. Kaya hindi dapat magdikta o mag-uots na huwag ma-ging choosy ang mamamayan. Maaari naman silang pumili dahil mayroong pagpipilian. Hayaang magpasya ang mamamayan sa ituturok sa kanila. Isa pa, ang pinambili sa mga bakuna ay galing sa binayad na buwis kaya walang masama kung pumili. Lahat ay mayroong karapatang magpasya para sa ikabubuti nila.
- Latest