Dear Attorney,
May lupa po na naiwan ang aking mga namayapang magulang. Noong nabubuhay pa sila ay nagsabi na silang ipapamana na nila sa akin ang lupang iyon ngunit ngayon ay ayaw itong sundin ng mga kapatid ko dahil kailangan daw ay paghatian naming magkakapatid ang lupa. Maari ba talaga nilang balewalain ang kagustuhan ng mga magulang ko na ipamana sa akin ang nasabing lupa? —Caesar
Dear Caesar,
Malabong manaig ang sinasabi mong pagpapamana sa iyo ng iyong mga magulang kung ang tanging pinanghahawakan mo lamang ay ang kanilang salita na sa iyo ipamamana ang isang partikular na ari-arian katulad ng lupa.
Sa ilalim kasi ng Article 778 ng Civil Code ay mayroon lamang tatlong paraan para magmana ang isang tao: una ay ang tinatawag na testamentary succession kung saan ang pagmamana ay sa pamamagitan ng last will and testament na alinsunod sa pormang nakasaad sa batas; pangalawa ay sa pamamagitan ng pagsunod sa batas ng pagmamana o law on succession kung walang iniwang last will and testament ang namayapa; at ang pangatlo ay ang mixed succession kung saan ang manahan ay parehong base sa last will and testament at sa law on succession, para sa mga bahagi ng last will na invalid o walang bisa.
Base sa nabanggit, malinaw na hindi mo maaring panghawakan ang sinasabi mong pagpapamana sa iyo ng iyong mga magulang na binanggit lamang nila sa iyo. Kung wala silang iniwang last will and testament at hindi kayo magkasundong magkakapatid sa hatian sa pamamagitan ng extrajudicial settlement o kung may naiwang mga utang ang inyong mga magulang na kailangang bayaran sa pamamagitan ng kanilang mga ari-arian ay kakailanganin niyong dumulog sa korte upang isaayos ang magiging manahan n’yong magkakapatid.