DALAWANG linggo na ang nakararaan, pinangalanan ni President Duterte ang mga mambabatas na nasasangkot sa katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Siyam na mambabatas ang kanyang pinangalanan na umano’y nakikipagkutsabahan sa district engineers para magkamal ng pera. Ganunman, sinabi ng Presidente na kahit daw pinangalanan na niya ang mga mambabatas ay hindi naman nangangahulugan na sangkot na ang mga ito sa masamang gawain. Ayon pa sa Presidente, ang alegasyon ay base sa report ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).
Noong nakaraang Nobyembre, sinabi ng PACC na 12 mambabatas ang tumanggap ng 15 percent kickback sa mga infrastructure projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Dahil sa laki ng kickback ng mga kongresista at sa porsiyento na nakukuha ng mga korap na DPWH officials, 50 percent na lang ang napupunta para sa project at ito ang dahilan kaya substandard ang mga proyekto. Kapansin-pansin na madaling masira ang mga kalsada na mistulang ampaw at ang mga tulay ay madaling tangayin ng agos.
Isiniwalat ni PACC Commissioner Greco Belgica, na may mambabatas na kumubra ng P10 milyon sa project contractor ng DPWH. Meron din daw mambabatas na humingi ng P100 milyon sa isang malaking proyekto ng DPWH na gagawin sa kanyang distrito. Kapag hindi raw magbibigay, hindi papapasukin sa kanyang nasasakupang distrito.
Kinumpirma naman ni Justice Sec. Menardo Guevara na may mga mambabatas ngang sangkot sa korapsiyon sa DPWH. Ganunman, ayaw pangalanan ng Justice Secretary ang mga ito. Kailangan aniya ay may matibay na ebidensiya laban sa mga inaakusahan.
Pinangalanan na ang mga mambabatas. Hanggang doon na lang ba ito? Nagawa na ng PACC ang pag-iimbestiga at nalantad na nga ang mga mambabatas. Hindi naman makakilos ang DOJ.
Sa aming palagay, ang Office of the Ombudsman na ang maykapangyarihan dito. Sila na ang humabol sa mga inaakusahang mambabatas na kakutsaba ng mga corrupt sa DPWH. Sila ang dapat gumalaw ngayon para malantad ang katotohanan. Kailangang malusaw na ang corruption sa DPWH.