MAY-ARI siya ng punerarya sa probinsiya. Maliit lang ang kanyang punerarya kaya’t hindi na siya nag-aksaya pa ng panahong umisip kung ano ang ipapangalan sa kanyang negosyo. Mura lang ang ibinebenta niyang mga kabaong kumpara sa ibang malalaking punerarya sa kanilang bayan. Kaya’t kapag ang namatay ay isang mahirap, bukambibig na sa mga naulila na “Doon na lang tayo magpaserbisyo kay Huseng Kabaong”. Nang magtagal ay nakilala na ang kanyang punerarya bilang Huseng Kabaong.
Ang mahihirap na namatayan at walang sapat na gagastusin para sa pagpapalibing ng kanilang pumanaw na kamag-anak ay sa kanya lumalapit. Kadalasan ay nakikiusap sa kanya ang mga kaanak ng “libing now, pay later”. ‘Yun bang ang ibabayad sa kanya ay iniaasa lang sa abuloy na maiipon ng mga kamag-anak. Kadalasan ay puhunan na lang sa materyales at labor ang sinisingil ni Jose sa mga kamag-anak. Katwiran niya, isang disenteng libing na lang ang kahuli-hulihang maibibigay sa isang mahirap na tao, kaya hindi ito dapat ipagkait sa kanila.
Isang araw ay natuklasan ni Jose na ninakawan siya ng pera ng kanyang sekretarya. Ipinagkakatiwala na niya rito ang pagpapatakbo ng punerarya kapag abala siya sa pagpunta sa iba’t ibang probinsiya para mamili ng mga kahoy. Unti-unti pala nitong kinukupit ang kanyang pera sa banko. Binigyan kasi niya ito ng otorisasyon na mag-withdraw sa banko kapag wala siya. Naubos ang kanyang puhunan at malaki pa ang utang niya sa supplier ng kahoy kaya nagpasya siyang isara muna ang punerarya.
Kumalat sa buong bayan ang masamang nangyari sa kanyang punerarya. Lingid sa kanyang kaalaman, ang mga kamag-anak ng mga pumanaw na kanyang binigyan ng mura o libreng funeral service na umasenso ang buhay ay naawa sa kanya. Kaya nag-ambag-ambag ng pera ang mga ito upang muling buksan ni Jose ang kanyang punerarya. Bigay na nila ang pera bilang pasasalamat sa kabutihan nito noong wala sila ni isang kusing na pambili ng kabaong.
Mangiyak-ngiyak si Jose nang tanggapin niya ang malaking halaga ng pera mula sa mga taong hindi na niya matandaan kung kailan niya ito mga natulungan. Noon niya napagtanto na totoo ang sinabi ng kanyang ina na mas malakas ang epekto ng good karma kung ang tutulungan mo ay mga taong pumanaw na.