ISA umanong imahe ng ‘‘anghel’’ ang namataan ng European Space Agency sa Mars sa pamamagitan ng Mars Express spacecraft na nagsasagawa ng mga pagsusuri sa naturang planeta mula pa noong taong 2003. Hindi naman aktuwal na anghel iyon kundi pormasyon ng isang snow angel sa lupa na nakita ng Mars Express habang pinag-oobserba ito ng mga scientist sa south pole ng pulang planeta. Tulad daw ito ng larawan ng anghel na iginuguhit ng mga bata sa snow.
Ayon sa mga ulat, namataan ang ‘Anghel’ isang linggo bago sumapit ang Pasko. Maaari umanong nadadala sa saya ang mga researcher dulot ng panahon ng kapaskuhan nang idiin nila na ang pormasyon ay tila isang halo at pakpak at ang isang hugis-puso sa kanan ng “anghel”.
Sabi sa pahayag ng ESA, “ang natukoy na mga pakpak ng isang imahe ng anghel na merong halo at makikitang pumapanaog at umaakyat sa frame ng larawang ito. Ang mga kulay na pinatingkad at ipinalabas ng ESA ay dahil sa iba’t ibang klase ng buhangin sa lugar.”
Sinasabi pa ng ESA na ang ulo at halo ng anghel ay tila nabuo na ngang isang bagay mula sa kalawakan ay bumagsak sa Mars na lumikha ng subsurface layers na nagpapahiwatig ng pagsilip sa mahabang kasaysayan ng planetang ito. Ang puso naman ay resulta ng linya ng mga burol na nabuo dahil sa erosion.
Meron din umanong mga palatandaan na ang kalupaan ay nabubulabog ng pormasyon nang malakas na hangin na tinatawag na “dust devils”.
Nahagip ng High-Resolution Stereo Camera ng Mars Express ang natukoy na mga pakpak ng tila anghel na figure na meron pang halo at malaki ngang puso sa tabi nito. Lumilitaw umano na maliwanag na mapula ang imahe na kabaliktaran ng light tan color ng mga buhangin sa kalupaan ng Mars sa paligid nito.
Lubhang natututukan sa nagdaang mga buwan ang south pole ng Mars makarang matukoy ng mga scientist ang tatlong bagong lawa sa ilalim ng lupa nito at ang posibilidad na marami pang ganitong ilog na nagpapahiwatig na merong microbial life doon.
Nananatili pa rin talagang misteryo ang mga bagay na nakikita ng mga robot, space telescope, computer at ibang makabagong makinarya ng mga astronomer at ibang scientist sa Mars. Kasinghiwaga ng planetang ito na nakikilala lang sa pamamagitan ng mga larawang ipinadadala sa mundo ng mga robot na spacecraft.
Hanggang ngayon, wala pang pisikal na ebidensiya na meron ngang tubig at yelo sa Mars. Puro indikasyon at teorya pa lang batay sa mga larawang nakukuha sa naturang planeta. Hindi pa nga rin malaman o mapatunayan kung merong ibang nabubuhay na organism doon.
Meron pa ngang kumalat minsan sa internet lalo na sa Facebook hinggil sa bungo ng tao at alien na mukhang talangka sa pulang planeta pero walang patotoo rito mula sa National Aeronautics and Space Administration (NASA).
May lumabas ngang ulat minsan na sinisiyasat ng NASA ang larawan ng isang umano’y babae na nakunan ng kanilang robotic spacecraft na curiosity rover na matagal nang namamalagi at nananaliksik sa Mars. Parang multo na transparent na hugis ng isang babae na naglalaakd sa kalupaan ng Mars ang nasa larawan.
Wala nang ibang detalye hinggil sa naturang babae at hindi nabanggit sa ulat kung kailan ito nalitratuhan ng camera ng curiosity rover at kailan ito natanggap ng mga scientist sa mundo.
Sana nga ay magawa nang makapagpadala ng tao sa Mars para mapatunayan ang mga bagay na nakukunan doon ng mga larawang ipinadadala sa daigdig ng mga robotic spacecraft at makita kung paano mabubuhay ang tao roon kung puwede ngang mamuhay sa pulang planetang. Meron namang plano ang NASA at iba pang mga space agency sa mundo na magpadala ng astronaut doon pero aabutin pa ng maraming taon bago ito maisakatuparan. Marami kasing kailangang pag-aralan at paghandaan tulad ng peligroso at napakahabang biyahe sa kalawakan patungo roon.
Sa kasalukuyan, naghahanda na ang NASA kasama ng ibang mga bansa sa pagpapadalang muli ng mga astronaut sa Buwan at pagtatayo ng permanenteng base rito ng tao sa ilalim ng tinatawag na Artemis Accord. Ang China nga ay nagawa nang makapagpalipad ng robotic spacecraft para makakuha ng mga bato at lupa mula sa buwan at matagumpay na nadala rito sa daigdig, ilang linggo na ang nakararaan. Nagtagumpay ang Japan na makakuha ng mga buhangin at bato sa isang asteroid. Ang China ang pangatlong bansa, kasunod ng United States at Russia, na nakapagpadala ng robotic spacecract para manguha ng mga sample ng bato at buhangin doon para mapag-aralan. Sinasabing ang pagtatayo ng base sa Buwan ay maaaring magamit na lunsaran ng mga misyon patungo sa planetang Mars.
Email: rmb2012x@gmail.com