EDITORYAL - Bantayan ang mga anak sa delikadong paputok
NOONG nakaraang Enero 1, 2020, karamihan sa mga nadisgrasya ng paputok ay mga bata. May naputulan ng daliri at nasabugan ng pulbura sa mukha. Mayroon ding nakalunok ng watusi. Sa kabuuan, may 164 firecrackers injuries ang naitala noong nakaraang taon. Sabi ng DOH, iyon ang pinakamababang bilang.
Sa kasalukuyan, mayroon nang mga nairereport na nasusugatan dahil sa paputok pero sabi ng mga awtoridad, maliit na porsiyento lamang ito kumpara sa mga nakalipas na taon. Karaniwan ding biktima ngayon ay mga bata na napuputukan sa daliri dahil sa piccolo.
Sa kabila na bawal na ang pagbebenta at paggamit ng paputok sa Metro Manila, mayroon pa ring lumalabag sa kautusan. Mayroon pa ring patagong nagbebenta. Nagbabala ang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na si Brig. Gen. Vicente Danao Jr. na aarestuhin ang magbebenta at gagamit ng paputok. Ang babala ay kasunod ng pagdedeklara ng Metro Manila mayors na bawal ang paputok sa kanilang nasasakupan. Ang pagdami ng kaso ng mga nasusugatan dahil sa paputok kaya ipinasya na ipagbawal ito sa Metro Manila.
Noong nakaraang taon, inisyu ni President Duterte ang Executive Order No. 28 na nagbabawal sa mga ma-lalakas na paputok gaya ng Judas Belt, Superlolo, ba- wang, Goodbye Earth, Goodbye Philippines at Binladen.
Nakapagtataka na hindi kasama sa EO 28 ang piccolo na paboritong paputukin ng mga bata at kadalasang nagdudulot para maputulan ng daliri at mabulag ang mga ito.
Ngayon ay marami na namang bata ang nagpapaputok ng piccolo at tiyak na mayroon na namang mga bata na madidisgrasya. Dapat maging alerto ang mga magulang sa kanilang mga anak. Bantayan ang mga ito at baka bumili ng piccolo at madisgrasya. Magkaroon na ng leksiyon sa mga nakaraang pagdiriwang ng Bagong Taon na sa halip na maging Masaya at nabalot ng lungkot dahil ang anak ay naputulan ng daliri at masaklap ay nabulag pa dahil sa piccolo.
Bantayan ang mga anak sa delikadong paputok. Huwag silang hayaang lumabas ng bahay. Ipagdiwang ang Bagong Taon na ligtas at mapayapa.
- Latest