Ang imbentor ng bakuna
Si Jonas Salk ang imbentor ng polio vaccine. Tumanggi siyang ipa-patente ang polio vaccine para manatili ito sa murang halaga. Ang “patent” o patente ay pagpaparehistro ng produktong naimbento upang mapangalagaan ng imbentor ang intellectual property right ng kanyang imbensiyon. Sa Pilipinas, ang proteksiyon ng patent ay tumatagal ng 20 taon. Kailangang magbayad ng maintenance fees ng patent holder upang hindi magwakas ang proteksiyon ng patent bago pa man matapos ang termino nito. Ang nagastos sa pagpapatente ay ikakarga sa presyo ng produkto. Kawawa naman ang mahihirap, ayon kay Jonas. At iyon ang dahilan kaya tumanggi siyang ipa-patente ang polio vaccine.
Ang nanalo ng $40 milyon
Si Tom Crist ng Alberta Canada ay nanalo ng $40 milyon sa lottomax. Bumili ba siya ng yate? Nag-around the world ba siya? Hindi. Ibinigay niya ang lahat ng napanalunan sa cancer charities. Cancer kasi ang ikinamatay ng kanyang misis.
Ang huling Wish ni Delaney
Noong Mayo 2013, nabanggit ni Delaney Brown, pitong taong gulang, maysakit na leukemia, sa kanyang ina na wish niyang makarinig ng totoong Christmas carollers sa harapan ng kanilang bahay. Nag-set up ng Team Laney ang kanyang ina sa Facebook at nanawagan sa publiko na tulungan siyang maisakatuparan ang wish ng kanyang anak. Noong Dis. 22, 2013, natupad ang kahilingan ni Laney. Dumating ang 7,000 to 10,000 tao sa harapan ng bahay ng mga Brown sa West Reading Pennsylvania. Inawit ng mga tao ang Jingle Bells, Rudolf at Joy to the World. Pumanaw si Laney sa mismong araw ng Pasko.