KAHIT may pandemya, ramdam na ramdam pa rin ang Pasko. Kahit na sinasabi nang marami na wala silang ihahanda ngayong Pasko dahil nawalan ng trabaho mula nang manalasa ang virus, dagsa pa rin ang mga tao sa palengke, groceries at supermarket. Kahit na sinasabi ng ilan na hindi sila makakatikim ng hamon ngayong Pasko dahil walang ibibili, marami pa rin ang nakapila sa tindahan ng hamon sa Quiapo. Kahit retaso ng hamon ay nagpipilit bumili para may pagsaluhan ang pamilya ngayong Pasko.
Kahit na binayo ng mga Bagyong Quinta, Rolly, Ulysses at Vicky, marami pa rin ang nagpilit bumangon at itinayo ang natumbang Christmas tree sa salas ng napinsalang bahay. Isinabit pa rin ang kupas na parol sa bintana at nilagyan ng ilaw.
Kahit maraming binaha na halos umabot sa ikalawang palapag ng kanilang bahay at kailangang umakyat sa bubong para makaligtas sa daluyong, nananatili pa rin ang ngiti sa mga labi at nagpapahiwatig na lilipas din ang lahat. Mawawala rin ang baha at ang iba pang inanod na layak at basura.
Kahit pa ilang beses pumutok ang bulkan at matakpan ang mga bahay, pananim at mamatay ang mga alagang hayop, lilipas din ang pagngangalit at matatahimik ang buhay.
Kahit may mahal sa buhay na pumanaw dahil sa virus, unti-unti nang natatanggap at malaki ang pag-asang bumahaw ang sugat. Dalangin ng mga naulila sa pamahalaan na madaliin ang bakuna para marami ang makaligtas.
Kahit pa dumanas ng karahasan sa kamay ng abusadong pulis na umutang ng dalawang buhay, may sumisilip na pag-asa sa mga naulila ngayong Pasko. Didinggin ang dasal nila na makamit ang hustisya at mawala sa mundo ang mga pulis na may utak pulbura.
Lahat nang mga masasakit, masasama at traumatic na naranasan ay alam nilang mapapawi dahil ang Pasko ay may hatid na pag-asa.
Maligayang Pasko sa lahat!