BAGO pa ang pag-arangkada ng United Kingdom sa pagbabakuna sa kanilang mamamayan noong Disyembre 8, meron nang nareport dito sa bansa na may nagsasagawa ng pagbabakuna sa mga taong may kakayahang bumili ng bakuna. Palihim umano ang pagbabakuna at ang mga kadalasang kliyente ay mga mayayamang negosyanteng Pilipino-Chinese. Sa isang hotel umano nagaganap ang pagbabakuna para hindi malaman ng mga awtoridad. Ito ay sa kabila na wala pang inaaprubahan ang Food and Drugs Administration (FDA) na bakuna para gamitin sa bansa. Wala pang naoorder ang Pilipinas at maaaring sa susunod na taon pa magkaroon nito sa bansa.
Isang concerned citizen ang nag-tip sa mga awtoridad na may nagaganap na pagbabakuna sa isang hotel sa Binondo, Maynila. Dito umano dinadala ang mga mayayamang Tsinoy na negosyante para turukan. Hindi naman sinabi kung magkano ang halaga ng bakuna.
Nang makarating sa kaalaman ni Manila mayor Isko Moreno ang sekretong vaccination sa Binondo, agad niyang pinag-utos sa Manila Police District, Manila Health Department at Bureau of Permits na imbestigahan ang napaulat. Binigyan ni Moreno ng 48-oras ang mga inatasang ahensiya para beripikahin ang report. Sabi ni Moreno, walang pinapayagang aktibidad na ganito sa kanyang lungsod. Kapag napatunayan, sasampahan ng kaso ang mga responsable.
Nagbabala ang Department of Health (DOH) at FDA sa mga hindi rehistradong bakuna. Malaking panganib sa kalusugan ang pagpapaturok sa mga bakunang hindi rehistrado. Sabi ni FDA General Director Eric Domingo, duda siya kung bakuna nga ang naiturok sa isang negosyanteng nainterbyu sa radio na umamin na nabakunahan na siya at iba pang kasamahan. May epekto sa kalusugan ang bakunang hindi dumaan sa masusing pag-aaral at trial. Sinabi ng DOH na mahaharap sa mabigat na kaso ang mga mapapatunayan sa hindi rehistradong bakuna.
Mag-ingat ang lahat sa mga hindi rehistradong bakuna. Huwag ipagsapalaran ang buhay sa mga iniaalok na bakuna. Makinig sa kinauukulan para hindi malagay sa panganib ang buhay.