HINDI maganda ang pasok ng Pasko kay Lt. Col. Bonifacio Sales, ang hepe ng Station 9 ng Manila Police District (MPD). Kasi nga mga kosa, si Sales ang unang opisyal ng MPD na tinamaan ng lintik ng disciplinarian na si MPD director Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco. Nag-surprise inspection kasi si Francisco para masiguro na nasa puwesto ang mga tauhan niya sa panahon ng COVID-19 para hindi makaporma ang mga kriminal, drug syndicates at terorista.
Inabutan naman ng MPD director si Sales sa istasyon niya. Kaya lang nang tanungin ito ni Francisco kung ilan ang mga tauhan niya na naka-deploy sa kalsada, aba hindi kaagad nakasagot si Sales.
Nakasagot si Sales ilang minuto ang nakalipas subalit sinilip muna niya ang papel sa lamesa. ‘Yun pala, deployment ng Oktubre pa ang nasilip ni Sales. Ibig kayang sabihin n’yan hindi alam ni Sales ang nangyayari sa presinto niya? Araguuyyyy! Hak hak hak! Kaya on the spot, sibak kaagad si Sales para hindi na pamarisan pa.
Natuklasan pa ni Francisco na walong pulis ang naka-duty noon sa opisina at lima naman ang sa labas, at ‘yung miyembro pa ng Tactical Motorcycle Riding Units (TMRUs). Sa talaan ng personnel, may 176 na pulis ang naka-assign sa Station 9 na matatagpuan sa Malate. May tatlong Police Community Precincts sa Station 9 at kung tig-20 ang pulis na naka-assign bawat PCP ibig sabihin may 116 na pulis na naiwan sa police station nila. At kung hahatiin sa dalawang shifts, dapat 58 na pulis ang naka-duty sa oras ng inspection ni Francisco, di ba mga kosa?
Pinalitan si Sales ni Lt. Col. Cris Acohon, ang deputy chief ng District Intelligence Division (DID). Para maiwasan ni Francisco ang tinatawag na pulitika, ang command staff niya ang pumili kay Acohon. Si Sales naman ay naka-floating status at baka pagkaraan pa ng Pasko bago siya makapuwestong muli. Araguuyyyy! Hak hak hak!
Bilang parte ng internal cleansing niya, pinasailalim ni Francisco sa surprise drug tests ang Drug Enforcement Unit, Intelligence Unit at Follow-up Unit ng Station 9. Hehehe! Kawawa lang ang maging positive dito, no mga kosa?
Umaabot na pala sa Station 14 ang MPD at bilang bahagi ng police visibility program na iniutos ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Debold Sinas ikinalat ni Francisco ang kanyang tauhan sa kalye para mahigpit na ipatupad ang Manila ordinance vs obstruction, curfew, half-naked in public place, smoking ban, drinking in public places at non-wearing of face mask at face shield.
Sinabi ni Francisco na may talaan siya tungkol sa performance ng kanyang station commanders at ang pinakakulelat ng tatlong beses ay tatanggap ng kaukulang sanction. Kaya kayong mga station commanders sa MPD, seryosohin n’yo ang trabaho dahil hindi mangingimi si Francisco na i-relieve kayo kapag mabutasan kayo. Araguuuyyyy! Hak hak hak! Sino kaya ang susunod kay Sales?
Dahil sa pagselebra ng mga Pinoy ng Simbang Gabi, nag-deploy naman si Francisco ng police teams sa lahat ng simbahan sa Maynila at gabi-gabi niyang ini-inspection kung nasa tamang puwesto ang kanyang mga tauhan. Hehehe! Makakatulog nang mahimbing ang Manileño habang si Francisco ang MPD chief, di ba mga kosa? Kailangan pa bang i-memorize ‘yan? Abangan!