KUNG hindi pa nanalasa ang Bagyong Ulysses noong nakaraang buwan, hindi pa kikilos ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para ipag-utos na palalimin (dredging) ang Cagayan River. Masyado nang mababaw ang pinakamahabang ilog sa Pilipinas kaya nang manalasa ang Bagyong Ulysses, umapaw ito at lumubog ang buong probinsiya ng Cagayan at pati ang Isabela. Unang itinuro na ang pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam ang dahilan nang pagbaha. Para makaligtas, nag-akyatan sa bubong ng kanilang bahay ang mga residente para makaligtas sa rumagasang baha.
Buhangin (sandbars) ang dahilan kaya bumabaw ang Cagayan River. Ito ang nararapat alisin para hindi na muling magbaha sa darating na panahon. Tinukoy na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga portion ng ilog na dapat kayurin ang buhangin para lumalim. Pinakamaraming sandbars sa ilog na sakop ng Tuguegarao City at sa mga bayan ng Solana, Iguig, Gattaran, Enrile at Amulung.
Ngayong palalalimin na ang Cagayan River, dapat din namang umpisahan din ang pagpapalalim sa Marikina River para maiwasan din ang pagbaha. Taun-taon ay bumabaha sa Marikina, Rodriguez, San Mateo at Taytay, Rizal dahil mababawa na ang Marikina River. Kapag hindi napalalim ang Marikina River, mauulit ang mga pagbaha. Linisin din sa basura ang ilog. Nang bumaha noong nakaraang buwan dahil sa Bagyong Ulysses, sangkaterbang basura ang inanod na nagmula sa ilog.
Sana maiprayoridad ng DENR ang pagpapalalim sa mga ilog para maiwasan ang pagbaha. At nararapat din namang tingnan ang mga ginagawang pagku-quarry na isa rin sa dahilan kung bakit nagbabaha. Magkaroon din ng kampanya ang DENR para sa malawakang pagtatanim ng mga punongkahoy. Hindi na sana maulit ang mga nangyari na nagkukumahog sa pag-akyat sa bubong ng mga bahay ang mga residente para makaiwas sa baha.