Pagmamahal at pagpapahalaga sa bansa

MAY isang ipinamukha sa atin ang COVID-19 pandemic. Sa panahon ng matinding kagipitan, uunahin ng bawat bansa ang kanyang sarili. Kanya-kanya muna, talu-talo muna. Kaya bawat bansa’y nagkumahog sa pagsasara ng hangganan upang hindi makapasok ang taga-ibang bansa.

Ibig sabihin, napakahalagang tayo’y magmalasakit sa ating sarili, makatayo sa ating sarili bilang isang bansa. Napakahalaga ng pagmamahal sa bansa para sa ating pagkabuhay at pag-unlad. Ang mga bansa sa Asya na naging matagumpay sa paglaban sa COVID-19 pandemic ay mga bansang ang mga mamamayan ay kilala sa pagiging makabayan, tulad ng China, Japan, Vietnam, Singapore, Hong Kong at South Korea. Hindi ba ang mga bansang ito rin ang nangunguna ngayon sa pag-unlad sa buong Asya? Tayo’y nangungulelat na. Ano ang sinasabi nito tungkol sa ating pagiging makabayan?

Nakalulungkot na bagama’t tayo ang unang republika sa Asya ay hindi pa rin lubos na pumapasok sa ating kamalayan ang pagiging Pilipino, na iisa lamang ang ating bansa’t lahi, na ang ating kultura ay hindi mas mababa kaysa sa iba, na tayo’y kasing-galing ng pinakamagagaling sa buong mundo.      

Sa China, walang Chinese na magmamaliit sa kapwa Chinese dahil hindi marunong mag-English. Hindi nila sinusukat ang katalinuhan ng kapwa sa kagalingan nito sa pagsasalita ng English.  Dito sa atin, itinuturing nating mahina ang kukote ng sinumang magaling ngang mag-Tagalog o mag-Cebuano, o mag-Ilocano, o mag-Kapampangan, ngunit mali-mali kung mag-English. Hindi naman masama kung tayo’y magaling sa pagsasalita ng English o iba pang wika. Ang masama ay ang mababa nating pagtingin sa sariling atin.

Sa Japan, ang layunin ng basic education ay ang pagpapalalim ng pagmamahal at pagpapahalaga sa mga bagay na Japanese — sa bansa, wika, kultura, istilo ng pamumuhay. Kinikilala ang sistema ng edukasyon ng Japan na isa sa pinakamahusay sa buong mundo, sapagkat nakalilikha ito ng mga mamamayan na naniniwalang anumang gawin nila sa kanilang bansa ay ginawa nila sa kanilang sarili.

Dito sa atin, kapag nagtapon ka ng kalat sa kalsada, itinuturing mo ba ito na pagkakalat sa sarili mong tahanan? Kapag minaliit mo ang kulturang Pilipino, itinuturing mo ba ito na pagmamaliit sa iyong sarili? Kapag ninakaw mo ang pera ng gobyerno, itinuturing mo ba ito na pagnanakaw ng sarili mong pera? Kapag ipinagbili mo ang iyong boto, itinuturing mo ba ito na pagbebenta ng sarili mong dignidad? Kapag hindi ka kumibo sa nasaksihan mong pagmamalabis at pagsasamantala ng awtoridad, itinuturing mo ba itong kawalan ng pagmamahal sa bansa?

Napakababaw din ng ating “sense of history.” Wala tayong masyadong pagpapahalaga sa ningning at aral ng ating kasaysayan. Halimbawa, marami sa ating mga kabataan ang walang malawak na kaalaman at pagkaunawa tungkol sa panahon ng batas militar. 

Wika sa Roma 12:2, “Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.”

Kailangang mabago ang pag-iisip ng Pilipino para sa pagkabuhay at pag-unlad ng Pilipinas: Mula sa pagiging makasarili tungo sa pagiging makabayan; mula sa pagiging walang-pakialam tungo sa pakikisangkot para sa kabutihan ng Pilipinas. Dito’y mahalaga ang papel na gagampanan ng eskwelahan, pamilya at iglesya.

Show comments