EDITORYAL - Bumaha ng basura

HANGGANG ngayon naglilinis pa ang mga residenteng binaha sa Marikina City, mahigit isang linggo na ang nakararaan mula nang manalasa ang Bagyong Ulysses. Hindi lamang makapal na putik ang kanilang inaalis sa kani-kanilang mga bahay kundi pati mga basura. Kung anu-anong basura ang tinangay ng baha sa kanilang lugar na hanggang ngayon ay hindi matukoy kung saan nanggaling. Karamihan sa mga basura ay plastic na hindi nabubulok – plastic na supot, grocery at shopping bags, plastic na silya, sachet ng shampoo, 3-in-1 coffee at coffee creamer, tube ng toothpaste at mga sako ng bigas at iba pang mga basura.

Ang tanawing ito ay walang ipinagkaiba noong 2009 na manalasa ang Bagyong Ondoy at napuruhan din ang Marikina. Marami ring basura ang pinadpad sa loob ng mga bahay at ilang araw din ang ginugol ng mga residente sa paglilinis. Mga basura rin na hindi nabubulok ang pinadpad noon. Walang ipinagkaiba ang nangyari noon sa ngayon.

Wala pa ring disiplina sa pagtatapon ng kanilang mga basura ang mga tao. Tapon lang nang tapon. Tiyak na ang mga nakatira sa pampang ng Marikina River ang nagtatapon ng mga basura. Wala namang magtatapon kundi ang mga informal settlers na walang pakialam kung dumumi man ang ilog at ma-ging dahilan nang pagbaha ang basurang itinatapon.

Ang nangyayaring ito na kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng basura ay nararapat solusyunan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Ang tanggapang ito ang may responsibilidad para hindi masalaula ang kalikasan at likas na yaman.

Nasaan ang pangako ni DENR Secretary Roy Cimatu na wawakasan na ang mga gumagawa ng krimen sa kalikasan at kapaligiran. Nagbabala siya noong nakaraang taon na tapos na ang araw ng mga gumagawa ng katampalasanan sa Inang Kalikasan. Tutuldukan na aniya ang pag-abuso sa kalikasan sapagkat mahigpit niyang ipatutupad ang environmental laws at mga ordinansa.

Subalit walang nakitang pagbabago at lalo pang dumami ang mga sumalaula sa kapaligiran. Marami pa rin ang nagtatapon ng basura sa mga ilog, sapa at estero. Lahat nang itinapong ito ay hahantong sa karagatan at ang mapipinsala naman ay mga lamandagat at corals.

Sana magkaroon nang ibayong tapang ang DENR na maipatupad ang batas para magkaroon ng leksyon ang mga nagtatapon ng basura. Kung maaari, magkaroon ng kamay na bakal sa mga iresponsableng mamamayan na walang pakundangang nagtatapon ng basurang plastic sa mga ilog, estero, sapa at iba pang daluyan ng tubig.

 

Show comments