ISANG champion racing pigeon na ibinenta ng isang Belgian trainer ang naging pinakamahal na kalapati sa mundo matapos itong bilhin ng halos $1.9 million (katumbas ng P91 milyon).
In-auction online ang dalawang taong gulang na kalapati na si New Kim ng retiradong pigeon trainer na si Gaston Van de Wouwer.
Pumalo sa presyong $1,894,672 ang top bid para sa kalapati noong nakaraang Linggo.
Ayon sa website kung saan ipinasubasta ang kalapati, isang Chinese na nagtatago sa code name na Super Duper ang bumili kay New Kim.
Hindi na inilantad ang tunay na pagkakakilanlan sa Chinese buyer ngunit siya rin daw ang bumili sa dating pinakamahal na kalapati sa mundo na si Armando noong 2019 sa halagang $1.4 million.