PAGPAPALIWANAGIN umano ng Department of Interior ang Local Government (DILG) si Tuguegarao Mayor Jefferson Soriano kung nasaan ito habang ang kanyang bayan ay lumubog sa baha noong nakaraang Biyernes dahil sa pananalasa ng Bagyong Ulysses. Isa ang Tuguegarao sa grabeng binaha kung saan nag-akyatan sa bubong ng kanilang mga bahay ang mga residente upang makaligtas. Habang tuliro at hindi malaman ng kanyang mga kababayan kung ano ang gagawin, hindi naman makita si Mayor Soriano.
Sa isa namang TV interview sa ANC, sinabi ni Soriano na nagtungo siya sa Manila noong Nobyembre 8 dahil mayroon siyang meeting kinabukasan (Nobyembre 9). Ipinasya umano niyang tumigil sa Maynila dahil birthday ng kanyang anak. Matagal na umano silang hindi nagkikita ng anak.
Sa pagkakataong iyon, humingi ng paumanhin si Soriano sa kanyang nasasakupan. Pinagsisisihan umano niya ang pagtungo sa Maynila. Handa umano siyang magpaliwanag sa DILG ukol sa pangyayari.
Hindi lamang si Soriano ang naging ‘‘missing-in-action’’ habang may nagaganap na kalamidad sa kanilang bayan. Noong manalasa ang Bagyong Rolly sa Bicol Region, Quezon, Mindoro, Batangas at Laguna, 10 mayors ang wala sa kanilang bayan na pinamumunuan. Habang binabayo ni Rolly ang mamamayan, hindi naman mahagilap ang 10 mayors.
Sabi ni DILG Sec. Eduardo Año, ipatatawag niya ang 10 mayors at pagpapaliwanagin kung bakit absent sa kanilang lugar habang humahagupit ang Bagyong Rolly. Natukoy na umano ng DILG ang 10 mayors at pinadalhan na ang mga ito ng show cause orders upang hingan ng paliwanag. Ayon kay Año, ang mga mayor ay dapat nasa kani-kanilang posisyon habang nasa kasagsagan ng bagyo at maging sa pagkatapos ng kalamidad. Dapat ang mga mayor ang mamumuno sa pagsasagawa ng mga kailangang paghahanda sa nasasakupan. Mahaharap sa kasong administratibo ang mga hindi magbibigay ng paliwanag.
Hindi na nagkaroon ng balita kung ano na ang nangyari sa 10 mayors na “missing-in-action”. May naparusahan ba sa kanila? Kapani-paniwala ba ang kanilang dahilan kaya wala sila habang nananalasa ang bagyo o baha? Mas maganda kung papangalanan ang mga mayor para malaman ng kanilang mga nasasakupan kung anong klaseng mayor ang kanilang inihalal. Dapat silang mahubaran.