NANG ang asawa ng Roman military ruler na si Julius Caesar ay matsismis na may karelasyon, diniborsiyo niya agad ito, kahit walang matibay na ebidensiya, sa katwirang, “Di puwedeng may kaunti mang suspetsa sa asawa ni Caesar.” Ayon sa historian na si Suetonius, ang gustong sabihin ni Caesar ay ito, “Hindi lamang dapat na malinis ang kanyang asawa, kundi dapat ay malinis ang tingin sa kanya ng publiko.” Ito ang pinagmulan ng idiom na, “As pure as Caesar’s wife.”
Simula noon, ito’y naging mahalagang prinsipyo sa pagkuha ng tiwala ng mga tao sa isang namumuno. Ang isang public figure ay hindi puwedeng paligiran ng mga taong hindi maganda ang imahen sa publiko. Kaya napakahalaga na ang itinatalaga ng Pangulo sa mga sensitibong posisyon sa gobyerno ay hindi lamang totoong malinis, kundi tinging malinis; not only truly clean, but is perceived to be clean.
Maaari bang pangunahan ng isang taong iniuugnay sa droga ang kampanya laban sa droga? Magiging epektibo bang tagapanguna sa pagsugpo sa katiwalian ang isang taong pinaghihinalaang tiwali? May moral ascendancy ba ang isang taong isinasangkot sa paglabag sa batas na pangunahan ang PNP na tagapagpatupad ng batas? Alam natin na ang sagot sa mga tanong na ito’y isang mariing “hindi,” sapagkat tiyak na apektado ang credibility at sa huli’y ang performance ng buong gobyerno.
Prerogatives ng Pangulo ang pagtatalaga ng mga tao sa matataas at sensitibong posisyon sa gobyerno. Walang sinuman ang maaaring kumwestiyon sa kapangyarihan niyang ito. Pero sa usapin ng effectiveness, napakahalagang isinasaalang-alang ng sinumang Pangulo ang public perception at public pulse sa pagtatalaga ng mga pinuno.
Sa ating Konstitusyon, sinasabi na “Public office is a public trust.” Ibig sabihin, ang mga taong-gobyerno ay nananagutan sa mamamayan, dapat silang paglingkuran nang may pinakamataas na responsibilidad, integridad, katapatan, kahusayan, at katarungan. Dapat din silang mamuhay nang simple.
Bilang Pilipino, kasama ako sa mga naghahangad na magtagumpay ang Pangulo. Ang kanyang tagumpay ay nakasalalay sa mga pinunong itatalaga niya sa huling dalawang taon ng kanyang termino. Bago maging huli ang lahat, dapat na niyang palitan ang mga pinunong bagsak sa pagiging totoong malinis at tinging malinis.
Gayunman, hindi lamang ang Pangulo ang dapat pumasa sa pagsusulit ni Caesar. Dapat ding pumasa ang mga lider sa ibang sektor ng lipunan na tulad ng negosyo at simbahan. Ang totoo, lahat tayo’y dapat makapasa. Mahirap makakuha ng public confidence ang isang establisimento na pag-aari nga ng isang mabuting negosyante, ngunit pinatatakbo naman ng mga hangal na tagapangasiwa.
Babagsak ang isang simbahan na ang lider ay pinaliligiran ng mga taong liko ang pamumuhay. Mahirap makakawala ang isang taong mabuti mula sa kamandag ng kasamaan kung ang kasa-kasama niya araw-araw ay masasama. Wika nga ng isang kasabihan, “Ipakita mo sa akin ang iyong mga kaibigan at sasabihin ko kung sino ka.”
Maganda ang sinasabi sa Mga Awit 1:1, “Mapalad ang taong hindi nakikinig sa payo ng masama, at hindi sumusunod sa masama niyang halimbawa. Hindi siya nakikisama sa mga kumukutya at hindi nakikisangkot sa gawaing masama.” Ano ang kahihitnan ng ganitong tao? Sinagot ito ng talatang 2, “Katulad niya’y punongkahoy sa tabi ng isang batisan, laging sariwa ang dahon at namumunga sa takdang panahon. Ano man ang kanyang gawin, siya’y magtatagumpay.”