NAKIPAGTULUNGAN ang ACT-CIS Partylist sa iba’t ibang religious group upang mas mabilis na mahatiran ng tulong ang mga kababayan nating nasalanta ng Bagyong Rolly.
Sa pangunguna ng mga madre ng Carmelite Sisters of The Holy Trinity sa Ligao, Albay ay personal na naipaabot sa 1,000 katao ang mga pagkain at iba pang pangangailangan sa mga bayan ng Guinobatan, Oas at Tiwi.
Agaran ding naipamigay ang 200 timba na may lamang bigas at mga delata sa iba pang bayan sa Bicol kung saan winasak ng Bagyong Rolly ang kabahayan ng mga residente.
Ayon kay ACT-CIS Partylist Representative Eric Yap, hindi naging hadlang ang pagiging abala ng partido sa Kongreso upang matulungan ang mga kababayang nangangailangan lalo na sa panahon ng sakuna.
Aniya, “hindi po natin makakalimutan ang mga tao na nagbitbit sa atin sa Kongreso lalo sa mga panahong sila ang nangangailangan ng tulong.”
Sa katunayan, bago pa tumama ang bagyo ay nagpahatid na ng ayuda ang ACT-CIS sa Silang, Cavite. Pangunahing naging benepisyaryo ang mga nawalan ng trabaho dulot ng pandemya.
Sa pamamagitan naman ng Emmanuel Servants of The Holy Trinity Congregation, 100 pamilya sa depressed area ng Silang, Cavite ang nabigyan ng tig-5 kilong bigas, 1 buong manok at mga gulay.
Ilan lamang ang mga aktibidades na ito sa marami pang pagsisikap ng ACT-CIS Partylist para sa mga Pilipino.
Maliban sa kontra krimen at terorismo, nagbibigay rin ng iba’t ibang tulong at ayuda ang partido. Mula sa relief, pagpapagamot, medisina, pag-aaral at pangkabuhayan.
Maihahalintulad ko ang estilo ng ACT-CIS sa adbokasiya namin sa BITAG.
Totoong kawanggawa, purong pagtulong at malalapitan ng nangangailangan (at inapi). Walang kiyeme, inarte at pasikat, serbisyo publiko lang!