ISA sa mahirap hulihin ng camera ay ang isang Pinoy na biktima ng kalamidad sa sandali ng kanyang paghihinagpis. Karaniwan, sa sandaling makita ng isang Pinoy na siya’y kinukunan, ang gagawin ay hihinto sa pag-iyak, kakaway, ngingiti, at kapag kinumusta mo’y sasabihing, “mabuti naman.” At hindi mo ba napapansin, kapag tayo’y dumaranas ng mga krisis, doon lumalaganap ang mga kuwento kung saan ginagawa nating katatawanan ang ating sarili? Sinasabing ito’y katibayan ng resiliency nating mga Pilipino.
Ang resiliency ang kakayahang makabangon kaagad sa gitna ng krisis at makapagpatuloy sa buhay na para bang walang anumang nangyari. Dahil sa katangiang ito, ikinukumpara tayo sa kawayan na kapag binabayo ng malakas na hangin ay sumasabay lamang sa indayog ng hangin kung kaya’t hindi ito nababali.
Ayon sa World Risk Report ng UN noong 2017, pangatlo ang Pilipinas sa buong mundo sa dami ng kalamidad na nararanasan taun-taon, tulad ng bagyo, lindol, pagputok ng bulkan, baha at pagguho ng lupa. Tayo ay nasa tinatawag na “Ring of Fire” o “Typhoon Belt.” Isama pa rito, ang kaguluhang pulitikal at ang patuloy na pakikipaglaban ng gobyerno sa NPA at armadong grupo sa Mindanao. Nadagdag pa ang COVID-19 kung saan tayo na ang nangunguna sa Southeast Asia sa dami ng kaso. Pero sa kabila ng lahat ng ito, dahil sa “resiliency,” nakatayo pa rin tayo.
May dalawang mahalagang pinanggagalingan ang ating resiliency: Ang ating malalim na pananampalataya sa Diyos at ang matibay na ugnayang pampamilya. Ang tawag ng ating mga ninuno doon sa una ay “Bathala Na,” matapos nating gawin ang lahat ng paghahanda, ipinagkakatiwala natin sa Diyos ang lahat. Dahil dito, madali nating natatanggap ang kabiguan. Ito ang orihinal na ibig sabihin ng “Bahala Na.” Sa isang banda, ang ating pamilya ang pinakamalakas nating support community.
Kaya lang, ang ating kalakasan ang siya rin nating kahinaan. Niro-romanticize natin ang ating resiliency. Ito ang pinalulutang upang mapagtakpan ang kakulangan ng kinauukulan sa panahon ng kalamidad. Nagiging excuse ito sa mediocrity o hilaw na trabaho. Pinauubra natin ang “puwede na.” Tinatanggap nating kalooban ng Diyos ang mga bagay na bunga ng kapabayaan at pagsasamantala ng iba. Nakakabangon nga tayo, pero tila hindi tayo natututo sa ating mga pagkukulang at pagkakamali, kung kaya parang paulit-ulit lang ang mga nangyayari. Ang ating extended family, na binubuo hindi lamang ng mag-asawa at mga anak, kundi maaaring may kasama pang lolo at lola, kapatid, tiyuhin, pamangkin at inaanak sa binyag, ay nagpapabigat sa dalahin sa panahon ng krisis.
Sa Mateo 10:16, sinabi ni Hesus, “Maging matalino kayong gaya ng ahas at maamong gaya ng kalapati.” Ang ahas dito’y simbolo hindi ng katusuhan, kundi ng katalinuhan, katapangan, at pagiging alerto kung kaya hindi basta-basta malalansi ng kaaway. Ang kalapati ay simbolo ng kabaitan. Kailangang kasama sa ating resiliency ang mga katangiang sinisimbolo ng ahas at ng kalapati.
Kapag nagawa natin ito, ang ating kalakasan ay tunay na magiging kalakasan. Hindi lamang tayo makakabangon mula sa krisis. Pagkatapos nating makabangon, makakasulong tayo para hindi na maulit ang mga kamalian at pagkukulang ng nakaraan. ‘Yan ang resiliency na maipagmamalaki nating lahat bilang mga Pilipino. ‘Yan ang resiliency na kailangan natin.