Hindi ako susuko (31)

GULAT na gulat si Reagan nang mabilang ang perang ibinigay ni Sir Abe. P40,000!

Baka sobra-sobra itong pang-enrol niya para sa first semester. Ibabalik niya kay Sir Abe  ang anumang masosobra. Kailangang mapanatili niya ang pagiging matapat kay Sir Abe. Ayaw niyang madungisan ang pagkakilala nito sa kanya.

Itinago niyang mabuti ang pera.

Nang lumapit ang kanyang tatay at nanay, sinabi niya kung magkano ang perang bigay ni Sir Abe.

“Ang laki naman nang ibinigay niyang pang-tuition, Reagan. Hindi kaya nagkamali sa pagbilang ang matanda?’’ sabi ng kanyang nanay.

‘‘Oo nga Reagan. Baka nagkamali sa pagbilang si Sir Abe,’’ sabi naman ng tatay niya.

‘‘Kung mayroon pong masosobra e ibabalik ko lahat sa kanya.’’

‘‘Tama yun Reagan. Malay mo sinusubukan ka lang ni Sir Abe. Huwag mong sisirain ang pagtitiwala ng matanda.’’
“Opo Tatay. Hindi ko dudungisan ang pagtitiwala ni Sir Abe sa akin.’’

“Kahit saan ka magpunta, basta alagaan ang pagkatao. Huwag sisirain ang pagtitiwala. Kapag nasira ang pagtitiwala, habambuhay na yan at hindi malilimutan.’’

“Tatandaan ko Tatay.’’

“Kailan ba ang enrolment, Reagan.’’

“Mag-iinquire po ako bukas. Kung puwede nang mag-enrol e gagawin ko na po.’’

“Sige. Mag-ingat ka dahik malaki ang dala mong pera. Nagkalat ang mga mandurukot.’’

“Opo.’’

 

KINABUKASAN, maagang bumangon si Reagan. Masigla ang katawan niya. Naligo at nagbihis.

Pagkakain ng almusal ay umalis na siya.

Tamang-tama ang pagpunta niya sa unibersidad na papasukan, araw ng enrolment para sa mga freshman.

Walang sinayang na sandali si Reagan. Nag-enrol siya sa College of Fine Arts.

Makalipas lamang ang isang oras ay natapos agad siya.

Nang mabayaran lahat ay nagulat siya sapagkat umabot lamang sa P30,000 ang pinagbayaran niya.

Sobra ng P10,000 ang binigay ni Sir Abe.

Nagpasya siyang dumaan sa bahay ni Sir Abe para isauli ang P10,000 na sobra.

Kumatok siya sa gate. Makalipas ang ilang segundo, lumabas si Sir Abe. Binuksan ang gate.

‘‘Halika Reagan.’’

Pumasok siya.

(Itutuloy)

Show comments