NOONG Abril 2014 naging ganap na Santo si Pope John Paul II, siyam na taon makaraang mamatay noong Abril 2005. Pero bago siya naging santo, may nangyaring himala sa isang madre sa France na itinuturing niyang kaloob sa kanya ng namayapang santo papa. Pinagaling siya ng Santo Papa sa sakit niyang Parkinson’s disease.
Hindi maipaliwanag ni Sister Marie Simon-Pierre ng Aix-en Provence, France ang naramdamang sigla ng katawan ng umagang iyon ng Hunyo 3, 2005. Magaan na magaan ang pakiramdam niya. Pakiramdam niya, isa siyang bagong silang na sanggol. Hindi siya dating ganoon sapagkat siya ay may Parkinson’s Disease.
Agad nagpakunsulta ang madre sa doctor at hindi siya makapaniwala nang sabihin ng mga doctor na wala na siyang sakit. Hindi maipaliwanag ng mga doctor ang dahilan ng biglang pagkawala ng Parkinson’s disease ng madre.
Ganoon na lamang ang pasasalamat ni Sister Marie kay Pope John Paul II sapagkat dito siya nanalangin na sana ay pagalingin na siya sa kanyang sakit, Mataimtim ang kanyang pananalangin sa Papa na pagagalingin siya nito. At ang kanyang kahilingan ay nangyari.
Sabi ng Vatican, ang miraculous intercession ni Pope John Paul II ang nagpagaling sa madre.
Ang pagpapagaling na iyon sa madre ay isa sa mga naging hakbang para sa beatification ng namayapang Papa noong Mayo 1 2011 at naging ganap na santo noong Abril 27, 2014. Ang kapistahan niya ay ipinagdiriwang tuwing Oktubre 22.