ISINILANG siyang paralisado ang kaliwang mukha. Ang forcep na ginamit ng doktor na nagpaanak, ang umipit sa nerves ng kanyang pisngi, lips at dila. Ang resulta, paglaki niya ay “ngamol” siyang magsalita. ‘Yun bang nagdidikit-dikit ang mga sinasabi kaya hindi maintindihan. Magkaganoon pa man, may mataas siyang pangarap…ang maging artista.
Dumating sa punto na naging homeless siya ng New York City. Pinalayas siya sa apartment na inuupahan. Walang-wala na siya kaya naisipan niyang ibenta ang pinakamamahal niyang aso. Naibenta niya ito sa halagang $25. Noong 1975 ay napanood niya ang Muhammad Ali-Chuck Wepner Fight. Dito siya nagkaroon ng ideya na magsulat ng screenplay tungkol sa boksing. Sa terminal ng bus siya nakikitulog at sa panahong iyon niya sinusulat ang script.
Nakalabas na rin siya sa ilang porn movie dala ng pangangailangan kaya may ideya na siya kung kanino dapat ialok ang script. Sa pag-aalok ng kanyang script, may kondisyon itong kasama — siya dapat ang bida. Kaso ngamol siyang magsalita kaya ayaw pumayag ng producer na gustong bumili ng script sa halagang $350,000. Si Burt Reynold o si Robert Redford ang gusto ng producer na gumanap na bida.
Sa kaaalok, may bumili rin ng script at pumayag na siya ang gawing bida. ‘Yun nga lang, binarat ang kanyang script, binili lang ito ng $35,000. Pero ayos na ayos iyon sa kanya. Basta’t siya ang bida. ‘Yun naman ang ultimate goal niya, maging bida sa pelikula at hindi maging scriptwriter. Nang makuha ang bayad, binalikan niya ang bumili ng kanyang aso at muli niya itong binili. Nakuha niyang muli ang kanyang aso sa halagang $15,000.
Ang script na sinulat niya at isinapelikula ay ang 1976 movie na Rocky. Sinulat lang niya ito sa loob ng tatlong araw. Kumita ito nang mahigit na $200 million, worldwide. Ito ang simula ng pag-asenso ng buhay ni Stallone. Isinama niya sa pelikula ang kanyang mahal na aso.
“Ang mga nagiging kampeon sa buhay ay dating mga talunan pero hindi tumigil sa pakikipaglaban” – Stallone