ISANG 17-anyos na estudyante sa Cyprus ang lumikha nang pinakamalaking drawing sa buong mundo.
Ang dambuhalang drawing ay nilikha ni Alex Dzaghigian, isang mag-aaral ng English School sa Nicosia.
Nagawa niyang gumuhit ng larawan at punuin ang higit 300 metro kuwadrado na canvas na siguradong higit na mas malaki sa kasalukuyang Guinness World Record para sa pinakamalaking drawing sa mundo na likha ng isang indibidwal.
Tampok ng 323.9 metro kuwadrado na drawing ang isang pagong, na kasalukuyang nanganganib na maubos dahil sa mga basurang itinatapon sa karagatan katulad ng plastic bottles at straws.
Higit walong oras ang ginugol ni Alex sa pagguhit ng pagong na kinakain ang mga basura sa dagat.
Napili niya raw ang tema upang makatulong daw siya sa pagpapalawak ng kaalaman ukol sa epekto ng polusyon sa kalikasan.
Sa kabila ng kanyang murang edad, hindi maituturing na baguhan si Alex pagdating sa pagguhit. Dalawang taon na ang nakararaan, nakuha niya ang pang-apat na puwesto sa isang international art contest kung saan 885,000 contestants mula 81 mga bansa ang lumahok.
Noong 2017, nagawa niyang makapagbenta ng painting sa isang Greek national sa halagang €2,900 (katumbas ng P173,000).