EDITORYAL - Sampolan ang mga nagvi-videoke
NOONG nakaraang buwan, sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Camilo Cascolan na hihilingin nila sa barangay officials na magpasa ng ordinansa na nagbabawal mag-karaoke o mag-videoke para hindi makaabaala sa mga estudyante na nag-o-online classes o ang modular learning.
Ayon kay Cascolan, kung mayroong ordinansa na nagbabawal sa pag-iingay sa komunidad gaya nang pag-videoke, nakahanda ang PNP na tumugon para masaway ang mga maiingay. Maglalaan umano ang PNP ng dalawang pulis para samahan ang barangay officials. Sabi pa ni Cascolan, magsi-setup sila ng Barangay Assistance Desks para mayroong lalapitan o mapagsusumbungan kapag mayroong maiingay sa barangay.
Hindi lamang ang mga estudyante ngayon ang apektado ng mga maiingay kundi pati na rin ang mga empleyadong naka-work-from-home. Mula nang mag-lockdown sa Metro Manila noong Marso, maraming empleado ang naka-work-from-home at malaking sagabal sa kanilang pagtatrabaho ang ingay sa paligid, particular na ang mga nagvi-videoke lalo kung may birthday. Mayroong mga maiingay na matapang pa kapag sinita. Katwiran naman ay nasa loob sila ng bahay kaya hindi sila dapat pagbawalan.
Kahapon, sinabi ni Joint Task Force COVID Shield commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar, na maaaring ireport ng mamamayan sa PNP ang mga taong nagvi-videoke sa panahong ang mga estudyante ay naka-onlines classes. Hinikayat din ni Eleazar ang local government units (LGUs) na mag-pass ng ordinance sa paggamit ng videoke. Sinabi ni Eleazar na hindi lamang ang pagvi-vi-deoke ang dapat nasasakop ng ordinansa kundi pati na ang iba pang aktibidad na lumilikha ng ingay at nakakaistorbo sa mga estudyante. Dapat mahinto ang merrymaking, ayon pa kay Eleazar sapagkat nag-a-adjust ang mga estudyante sa bagong mode ng pag-aaral.
Sinabi ni Eleazar na mayroong hotlines ang PNP at mayroon ding Facebook account na tatanggap ng reklamo laban sa mga maiingay sa barangay, lalo ang mga walang pakundangang nagvi-videoke. Narito ang hotlines: PNP Helpline 16677, 0998-849-0013 para sa Smart users, 0917-538-2495 para sa Globe users at ang PNP-Highway Patrol Group Hotline 0926-225-5474.
- Latest