Maari bang magsampa ng kaso sa Pilipinas kung ang pag-utang ay isinagawa sa ibang bansa?

Dear Attorney,

May kasamahan po ako rito sa ibang bansa na nangutang sa akin. Hindi niya po binayaran ito hanggang siya ay bumalik na diyan sa Pilipinas. Maari ko po ba siyang sampahan ng kaso sa Pilipinas kahit ang naging pag-utang ay isinagawa sa ibang bansa? — Ally

Dear Ally,

Depende sa kung anong klaseng kaso ang isasampa mo. Hindi kumpleto ang mga inilahad mong impormasyon ngunit malabo na maari kang magsampa ng kaso kung kriminal na reklamo ang binabalak mong gawin.

Sa ilalim ng Revised Penal Code, sinusunod ang tinatawag na territoriality principle kung saan kinakailangang isampa ang reklamo sa lugar kung saan naganap ang krimen o ang ilan sa mga elemento nito. Ibig sabihin nito ay kailangang ang krimen ay ginawa o naganap sa loob ng teritoryo ng Pilipinas upang makapagsampa ng kriminal na reklamo sa mga korte dito sa atin.

Kaya kung ang kaso na gusto mong isampa ay patungkol sa isang krimen na nangyari abroad ay malabong maisasampa mo ang reklamo dito sa Pilipinas.

Iba naman ang patakaran para sa civil cases. Sa civil cases, maaring mamili ang magdedemanda kung saan niya isasampa ang kaso. Maari niyang ihain ang reklamo sa kung saan siya, o ang kanyang inirereklamo, nakatira. Ito ay kung ang civil case ay patungkol sa personal property dahil kung ukol sa real property ang kaso ay kailangan itong isampa sa korteng may saklaw sa lugar kung saan matatagpuan ang lupa.

Dahil ang hinaing mo ay patungkol naman sa pera, na isang halimbawa ng personal property, ay maari mong isampa ang demanda sa korteng may sakop sa lugar kung saan ka nakatira rito sa Pilipinas.

 

Show comments