EDITORYAL - Bilhin ng gobyerno ang palay ng mga magsasaka
HANGGANG ngayon marami pa ring magsasaka ang nagsisintemyento dahil sa mababang presyo ng palay na kanilang ibinibenta. Pagkaraan daw na gastusan nila nang malaki ang kanilang pananim na palay, nang anihin ito at ibenta ay sobrang baba ng presyo. Ayon sa magsasaka, naibebenta lang nila ng P12 hanggang P15 ang kilo ng palay. Sa ganito kamurang presyo, luging-lugi sila at hindi pa masambot ang ginastos sa fertilizer, insecticides, binhi, sa pag-thresher at patubig. Nagkautang-utang na raw ang mga magsasaka at nangangamba sila kung paano mababayaran ang mga ito.
Akala nila ngayong anihan ay makababawi na sila pero malaking kabiguan dahil bagsak presyo ang kilo ng palay. Ang inaasahan nila ay P17 hanggang P19 nila maibebenta ang kilo ng palay pero nagkamali sila. Sobrang mura naman ng presyo na hindi na makatwiran para sa kanilang mga lokal na magsasaka. Kung kailan daw panahon ng anihan na umaasa sila na malaki ang kikitain ay saka naman bagsak ang presyo ng palay.
Ayon sa report, ang pagbaba raw ng presyo ng palay ay may kaugnayan sa rice tarrification law kung saan malaya nang makapasok ang mga imported na bigas mula sa Thailand, Vietnam at China. Dumadagsa ang bigas mula sa mga nabanggit na bansa at dahil sobrang dami at nataon pa sa anihan, kaya mababa ang presyo ng palay.
Kung ganito ang problema, dapat suspendihin muna ang pagpasok ng imported na bigas sa panahon ng anihan para naman makinabang ang mga lokal na magsasaka. Huwag hayaang makiagaw ang imported sapagkat kawawa naman ang mga magsasaka na umaasa sa kanilang ani.
Inihayag kamakailan ni Agriculture Secretary William Dar na bibilhin daw ng National Food Authority (NFA) ang aning palay ng mga magsasaka. Sasadyain na umano ng NFA sa kanayunan para bilhin ang mga aning palay sa halagang P19 bawa kilo. Sana totoo ang balak na ito ng NFA.
Magandang balita naman ang inihayag ng Landbank of the Philippines kamakalawa na inaprubahan na nila ang P4.3 bilyon na pautang sa local government units (LGUs) para ang mga ito na ang bibili sa palay sa mga lokal na magsasaka. Ito ay nasa ilalim ng kanilang “PALAY ng Lalawigan” program.
Maganda ang programang ito para sa mga magsasaka. Malaking tulong ito para sila makapag-produce pa ng palay na sasapat sa mamamayan.
- Latest