Dear Attorney,
May kapitbahay po akong gusto ko ng sampahan ng kriminal na kaso. Importante ba na magpa-blotter muna ako sa barangay o sa police station bago ako magsampa ng demanda? —Jon
Dear Jon,
Karaniwan na nating naririnig ang pagpapa-blotter sa barangay o sa pulis lalo na kapag may gulo o alitan sa ating lugar kaya marami ang nag-aakala na bahagi ito ng proseso ng pagsasampa ng kaso.
Upang malinawan ang lahat ukol sa paksang ito, hindi po requirement sa pagsasampa ng kaso ang pagpapa-blotter sa barangay o sa police station. Ayon sa Section 1, Rule 110 ng Revised Rules of Criminal Procedure, ang unang hakbang sa pagsasampa ng kriminal na kaso ay ang paghahain ng complaint o reklamo sa prosecutor’s office o sa piskalya upang masimulan na ang preliminary investigation ng kaso.
Kapag nakita ng piskal na may probable cause o may sapat na basehan ang krimeng inirereklamo, saka niya ito isasampa sa hukuman na didinig at maglilitis sa kaso.
Ang barangay o police blotter ay isa lamang report ng anumang insidente o pangyayari at hindi ito ang mismong complaint o reklamo na pagmumulan ng isang kaso. Gayunpaman, bagama’t hindi bahagi ang pagpapa-blotter ng pormal na proseso ng pagsasampa ng kaso, maganda pa ring gawin ito sakaling may balak na pagdedemanda.
Maari kasing magamit ang barangay o police blotter bilang ebidensiya sa krimen o sa mga inaakusahang gumawa nito lalo na kung naipa-blotter kaagad ang insidente pagkatapos na pagkatapos itong mangyari.