HINDI hinayaan ng isang lalaki sa Pennsylvania na maging hadlang ang kanyang edad upang makamit ang kanyang pangarap na makapagtapos ng high school.
Nagawa kasi ng mag-iisangdaang taong gulang na si Albert Montella na makapagtapos ng high school matapos iprisinta sa kanya ang diploma ilang linggo bago ang kanyang ika-100 kaarawan.
Ayon kay Montella, tumigil siya sa pag-aaral noong 1938 upang magtrabaho at suportahan ang kanyang pamilya.
Tuluyan nang naudlot ito nang siya ay napasok sa U.S. Navy at sumabak sa pakikipaglaban noong World War II.
Ang mismong district superintendent pa ng kanilang lugar na si Eleanor DiMarino-Linnen ang nagbigay kay Montella ng kanyang diploma.
Para kay DiMarino-Linnen, nararapat lamang ang paggawad kay Montella ng diploma para sa serbisyong ibinigay nito sa bayan.
Ito rin ang pananaw ng isa sa mga apo ni Montella, na buong buhay raw nagsakripisyo para sa kanilang pamilya.