ITINAGONG mabuti ni Reagan ang kinitang P500 sa kanyang bulsa. Unang pagkakataon na mayroon siyang kinita mula sa sariling talento at pagsisikap. Masayang-masaya siya.
Bago umuwi, nagsimba muna siya. Nagpasalamat nang taimtim sa natamo niyang biyaya mula sa Diyos. Hiniling niyang gabayan siya ng Diyos para makagawa pa nang maraming artwork para mayroong pagkakitaan. Hiniling din niyang makaipon siya ng pera para mayroong maipang-tuition sa kolehiyo. Gusto niyang makapag-aral at nang matupad ang pangarap. Gusto rin niyang matulungan ang mga magulang at kapatid.
Nang matapos ang misa, lumabas na siya ng simbahan. At bago tuluyang nakalabas, mayroon na agad siyang ideya kung ano ang isusunod na idu-drowing para maibenta at mapagkakitaan: mga naging pope gaya ni Pope John Paul II, Pope Paul VI, Pope John XXIII at pati si Pope Francis.
Masaya siyang umuwi ng bahay. Parang may pakpak ang kanyang mga paa.
Nang dumating siya bahay, naroon na ang kanyang tatay at nanay at tatlong kapatid na galing din sa pagsisimba sa kapilya sa barangay.
Masaya niyang ibinalita na nabenta lahat ang dinrowing niyang mga santo.
“Nanay, kumita ako ng P500!’’ sabi niya.
“Talaga?’’
Dinukot niya ang P500 sa bulsa.
“Eto po ang P500, Nanay.’’
Napangiti ang kanyang nanay.
“Aba pera mo ‘yan. Itago mo. Ipunin mo. ‘Di ba gusto mong magkolehiyo?’’
“Opo.’’
‘‘Itago mo ‘yan.’’
Ganundin ang sinabi ng kanyang tatay sa kanya. Ipunin niya ang pera para may maipang-tuition.
(Itutuloy)