Maari bang tubuan ang interest na hindi nabayaran?

Dear Attorney,

Umutang po ako ang 100,000 noong isang taon na may 5% na interes kada buwan. Aminado po akong naatrasado po ako sa paghuhulog ng bayad nitong unang bahagi ng taon dahil nawalan po ako ng sahod dahil sa lockdown. Kamakailan ay nag-alok po ako na babayaran ko na ang lahat ng kulang ko ngunit nagulat ako sa halagang kailangan kong bayaran. Ipinaliwanag sa akin ng aking inutangan na compounded daw ang interest sa utang ko. Sa madaling sabi ay tumutubo rin ang mga interest na hindi ko nabayaran kaya lumobo ang utang ko. Pinapayagan po ba ito sa ating batas?— Denny

Dear Denny,

Ayon sa Article 1959 ng Civil Code ay “(i)nterest due and unpaid shall not earn interest.”  Ang ibig sabihin nito ay hindi maaring tubuan ang interest na hindi pa nababayaran.

Hindi naman ibig sabihin nito ay ipinagbabawal na ng ating batas ang compound interest dahil may mga pagkakataong pinahihintulutan ito.

Ang isa sa mga pagkakataong ito ay nakasaad din sa Article 1959 kung saan pinahihintulutan ang compound interest ay kapag napagkasunduan ito ng mga partido. Kailangan lang na nakasulat at malinaw ang pagkakasaad nito sa kontrata dahil kung hindi ay mananaig ang general rule na hindi maaaring tubuan ang hindi pa nababayarang interes.

Ang isa pa sa mga pagkakataon kung kailan pinahihintulutan ang compound interest ay makikita sa Article 2212 ng Civil Code kung saan nakasaad na kahit hindi napagkasunduan ng mga partido sa isang kontrata ang pagpapatong-patong ng interes ay kikita pa rin ng legal interest hindi lamang ang principal na utang kundi pati  na rin ang interest nito mula sa panahong nagsampa ng kaso ang pinagkakautangan.

Wala kang nabanggit kung nakasulat ba o hindi ang naging kasunduan niyo ng inutangan mo. Kung hindi ito nakasulat ay hindi ka maaring singilin ng interes sa iyong utang mapa-compounded man o simple interest ito. Kung nakasulat naman ang inyong kasunduan ay tingnan mo kung may sinasabi ito ukol sa pagpapataw ng interest at kailangang malinaw na nakasaad na tutubo ang interes kapag ito ay hindi nabayaran.

Mas maganda kung makikipag-usap ka muna sa inutangan mo. Ipaliwanag mo na kung wala naman kayong malinaw na napagkasunduan ukol sa interes ay hindi niya maaring ipataw ito kaya kung hindi niya maaalis ito ng tuluyan ay makiusap ka na kung maari ay bawasan na lang niya ang sinisingil niya sa iyo. Mahirap pa kasi kung umabot pa kayo sa demandahan lalo na’t binabawasan din naman ng korte ang mga pataw na interes kung makita nilang masyado itong malaki at hindi na makatuwiran.

Show comments