MAHINANG internet connection ang primerang problema na hinarap ng Department of Education (DepEd) sa pagbukas ng klase nitong Lunes.
Wala na ang mga dating reklamo na kakulangan ng classroom at teachers dahil ang pinairal ni DepEd Sec. Leonor Briones ay blended learning na ginamitan ng magkahalong technology at traditional na sistema ng pagtuturo dahil nga nananalasa pa ang COVID-19 sa bansa.
Para ipamukha sa mga telcos ang mahinang internet connections nila may mga nagpakulo pang mga titser na nagpakuha ng litrato sa itaas ng bubong ng gusali. Mayroon pang nakunan na lumalangoy sa ilog para ihatid ang learning modules ng mga estudyante n’ya. Araguuyyyy! Kaya lang halatado ang mga gimik na panay “drawing.” Kasi nga mga kosa, halos isang buwan na mas naunang nag-umpisa ang klase ng private schools sa bansa kaysa public schools at wala namang ganoong gimik ang mga titser eh parehas lang naman ang ginamit na pamamaraan ng pagtuturo. Get’s n’yo mga kosa?
Kaya lang, dahil mahina ang internet connections, may pagkakataong ang guro at estudyante ay hindi magka-intindihan dahil nawawala ang signal nila. Pero sa overall na sitwasyon, iginiit ni Briones na tagumpay ang opening ng klase na mariing hindi sinang-ayunan ni kosang Dodo Rosario. Araguuyyyy!
Medyo na-delay man, subalit umaksiyon na ang gobyerno ni President Digong para tugunan ang problemang mahinang internet connection nang iutos n’ya sa telcos na ayusin ito nang sa gayun wala ng sagabal sa online classes ng mga bata. Masaya namang inanunsiyo ni Interior Sec. Eduardo Año na umabot na sa 1,171 ang permits na inisyu sa mga telcos para sa pagpatayo nila ng mga cell towers sa buong bansa para isulong pataas ang internet signal nila.
May mga bago pang applications na umabot sa 428 at sinabi ni Año na mas mabilis ang pag-aprub ng mga ito dahil inigsian na sa 16 days ang pagproseso nito. Kaya’t wala ng dahilan ang mga telcos para ma-delay pa ang pag-ayos nila ng mahinang internet connections nila at ma-comply nila ang deadline na ibinigay sa kanila ni President Digong sa Disyembre. Hak hak hak!
Konting tiis pa mga titser at estudyante at gumagawa ng hakbangin ang gobyerno para itaas ang internet signal sa bansa para mapakinabangan n’yo at ‘yaong nag work from home.
Sa parte naman ni Lt. Gen. Guillermo Eleazar, ang hepe ng Joint Task Force Covid Shield, tatalakayin ng IATF ang proposal na payagan ang mga menor de edad na students na makapasok sa internet shops para asistihan sila sa kanilang pag-aaral. Sa panahon kasi ng pandemya, bawal ang mga minors sa internet shops bilang safety measures sa COVID, ani Eleazar.
May ilang LGUs na nagbigay ng libreng gadgets sa mga estudyante subalit ‘yaong BOKYA at walang kakayahang bumili ng computer, I-pad, cellphone at tablet ay sa internet shop na lang lalanding. Tumpak! Iniutos din ni Eleazar ang pag-ronda sa mga barangay para hulihin ang mga nag-iinuman, nag-karaoke at gumagawa ng ingay na magiging istorbo sa online learning ng mga kabataan. Abangan!