MARAMING pulitiko ngayon na ang tirada ay “champion of the poor’’ daw sila. Sinusulong daw nila ang para sa karapatan at kapakanan ng mga mahihirap.
Pero kung pakikinggan ang kanilang mga tirada at ngakngak – walang laman o saysay. Walang kasusta-sustansiya dahil wala talagang solusyon at plano para sa isyu.
Ang sentro, epekto lang ng problema at ang bagsak ng sisi, laging sa gobyernong hindi kaalyado. Ayaw tingnan ang dahilan dahil masyado nang matrabaho.
Paano ba naman, ang totoong agenda kasi ay gamitin ang isang problema sa larangan ng pulitika. Bakit? E ‘di para maipakita na sila sila ang may concern o pakialam at sila lang ang may solusyon.
Halimbawa, isa sa mga isyu na inaangkasan at sinasawsawan ay ang mababang presyo ng palay na sumadsad sa P12. Sabi ng mga pulitikong nag-iingay tungkol dito, kawawa naman daw ang mga magsasaka natin sa kalagayang ito.
Dapat ganito, dapat ganyan ang gawin ng pamahalaan para hindi maging kawawa ang ating mga magsasaka.
Oo marami na ang naaawa at matagal nang kaawa-awa ang sitwasyon ng magsasaka. Pero may problema, hindi naman focused o priority ng mga pulitiko ang usaping agrikultura.
Maging ang barbero kong si Mang Igme, nagbigay na rin ng kanyang suhestiyon. Importante raw na mamuhunan ang ating bansa sa mga teknolohiyang makakatulong sa industriya ng agrikultura.
Subalit kumambiyo, baka iniiwasan daw ng mga pulitiko’t mambabatas ang ideyang ito dahil wala silang kikitain.
Sinu-sino ba ang tinutukoy ko? Pinangalanan ko sila sa aking programang BITAG Live. Uploaded sa YouTube Official.