Dear Attorney,
Namatay po ang aking ama noong isang taon at ngayon ay inaangkin na ng mga kapatid niya ang isa sa mga lupaing may titulo at nakapangalan naman sa tatay ko. Ang dahilan nila ay sila ang may karapatang magmana ng nasabing lupa dahil matagal nang sa angkan nila ito at sila naman ang nagsasaka nito. Tama po ba sila?
– Mae
Dear Mae,
Mali ang mga kapatid ng ama mo. Sa ilalim ng Civil Code, walang karapatang magmana ang mga kapatid kung ang namatay ay may naiwang compulsory heir katulad ng anak, magulang, o mga apo.
Walang halaga sa mata ng batas ang mga sinasabing dahilan ng mga kapatid ng ama mo na kesyo matagal na sa angkan nila ang lupain at sila naman ang nagsasaka nito dahil malinaw sa batas na wala nang karapatan ang mga kapatid na magmana ng mga naiwang ari-arian kapag may naiwang compulsory heir o iyong mga itinakda ng batas na magmamana ng mga ari-arian ng namatay katulad ng anak.
Maari silang pamanahan kahit may naiwang asawa, magulang, anak o apo ang yumao ngunit ito ay sa pamamagitan lamang ng isang last will and testament at ang pamana na ito ay hindi maaring iawas mula sa bahagi ng mana na inilaan ng batas para sa compulsory heirs.