Dear Attorney,
Nagmana po ako ng lupa mula aking mga magulang ngunit nang pumunta po ako sa Registry of Deeds upang kumuha ng kopya ng titulo ay nalaman ko po na isa sa ang titulo ng lupang namana ko ang nawala matapos bahain ang kanilang opisina. Ano po ba ang maari kong gawin? -- Mike
Dear Mike,
Kailangan mong itanong sa Registry of Deeds kung ano mismo ang naging dahilan ng pagkawala ng titulo mo. Ayon sa Presidential Decree (PD) No. 1529, kung nasa 10% ng mga titulo sa isang Office of Registry of Deeds at hindi bababa sa 500 ng mga ito ang nawala o nasira dahil sa baha, sunog o iba pang sakuna o kaganapan na hindi inaasahan, ay maaring humiling sa Registry of Deeds na i-reconstitute o maibalik ang dating nasira o nawalang titulo.
Kaya kung ang titulo mo ay nawala dahil diumano sa baha at ang nasa 10% ng mga titulo ng nasabing opisina, na hindi bababa sa 500 ang bilang, ay nasira o nawala ay maari kang humiling sa mismong Registry of Deeds na ibalik ito sa pamamagitan ng isang petition.
Kung hindi naman dahil sa sakuna ang pagkawala ng titulo o kung hindi aabot sa 10% ang mga titulong nawala sa Office of the Registry of Deeds ay kailangan mong dumaan sa Regional Trial Court na siyang may sakop sa lugar kung nasaan ang lupang nakasaad sa titulo at doon maghahain ka ng petition upang maibalik ang titulo.
Mas mabilis ang naunang paraan ng pagpapa-reconstitute ng titulo dahil administratibo lang ang proseso nito at hindi ka na dadaan sa korte kung saan kailangan mo pang maglatag ng ebidensya upang mapatunayan mo na ikaw nga ang nagmamay-ari ng lupang nakasaad sa titulong nais mong ipa-reconstitute o maibalik.
Ngunit katulad ng nabanggit, maari lamang ang naunang paraan sa mga natatanging pagkakataon ng mga malawakang sakuna.