Dear Attorney,
Pitong taon na po kaming nagsasama ng live-in partner ko. Plano na po namin magpakasal at may nakapagsabi sa akin na hindi na raw na-ming kakailanganin ang marriage licence dahil matagal na naman kaming nagsasama ng partner ko. Totoo po ba ito? —Roland
Dear Roland,
Bagama’t ang pagkakaroon ng marriage license ay isa sa mga requirements bago masabing may bisa ang isang kasal, may mga pagkakataong pinahihintulutan ng batas ang kawalan nito. Isa na rito ang ay kung nasa sitwasyong katulad ng sa iyo kung saan ang mga ikakasal ay nagsasama na nang matagal na panahon bilang mag-asawa.
Ayon sa Article 34 ng Family Code, hindi na kailangan pang kumuha ng marriage license ang mga ikakasal kung eksklusibo na silang nagsasama bilang mag-asawa ng limang taon at pareho silang may kapasidad sa ilalim ng batas upang magpakasal. Kailangang tuluy-tuloy at walang lakdaw ang limang taon ng pagsasama na ito na nakasaad sa batas.
Sa halip na marriage license, kailangan n’yo na lang gumawa ng “Affidavit of Cohabitation” kung saan sinusumpaan ninyong dalawa na nagsasama na kayo bilang mag-asawa sa loob ng limang taon o higit pa at walang legal na hadlang para kayong dalawa ay makasal.
Payo ko lang sa ating mga mambabasa na kailangang pawang katotohanan lamang ang nakasaad sa affidavit na ito dahil kung hindi naman totoong limang taon o higit pa ang naging pagiging magka-live in ninyo o kung naglalaman ito ng anumang kasinungalingan ay maituturing na walang bisa ang inyong kasal sa simula’t simula pa lamang.