MAGPATUGTOG ng masayang kanta o kantang paborito nila habang kumakain sila dahil ayon sa mga pagsasaliksik sa New York University, ang music ay nakakapagpagana ng pagkain. Upang “pasiglahin” ang kanilang taste bud, budburan ng fresh herb ang kinakain nilang pasta o pigaan ng kalamansi ang kanilang karne o isda.
Base sa turo ng matatanda roon sa aming probinsiya, kapag walang panlasa tuwing lalagnatin, bata man o matanda, maggisa ng alamang at pigaan ito ng kalamansi. Dito isasawsaw ang nilagang talbos ng kamote, okra, talong o repolyo.
Sa bandang hapon na wala nang sikat ng araw, hayaang maglakad-lakad ang matatanda. Ayon sa mga researchers ng Wake Forest University School of Medicine, ang magaang physical activity ay nakakataas ng metabolismo ng tao at nagiging dahilan para sila’y makadama ng gutom. Pagkatapos ng paglalakad, tamang-tama na gutom na sila pagdating ng hapunan.
Pakainin sila ng may mataas na uri ng protina. Hindi maaaring karne lagi ang ibibigay sa kanila dahil mahina na ang panunaw ng matatanda. Ihalili sa karne ang nilagang itlog (mura pero mataas sa protina at madaling ihanda) at kung may budget ay salmon. Ang salmon ay mayaman sa omega-3 fatty acids — ang mahusay magpatalas ng isipan.
Huwag sila hayaang kumain nang nag-iisa. Isang pag-aaral ang isinagawa noong 2004 na nagsabing mas lalong nae-enjoy ng matatanda ang kanilang pagkain kung sila’y maraming kasalo.