Walang lamok sa Iceland

ANG Iceland ang nag-iisang bansa sa mundo na walang lamok At misteryo pa rin ito sa mga dalubhasa kung bakit walang natatagpuang lamok sa nasabing bansa.

Maari raw na ang dahilan ng kawalan ng lamok sa Iceland ayon sa ilang scientist ay ang klima sa bansa na madalas ay napakalamig.

Mas madalas kasing magyelo ang temperatura sa Iceland kaysa sa mga kalapit nitong mga bansa kaya hindi nagkakaroon ng pagkakataon ang mga lamok na mangitlog.

May mga naghihinala rin na baka kaya hindi makatagal ang lamok sa nasabing bansa ay dahil sa kakaibang chemical composition ng lupa at tubig sa Iceland.

Gayunpaman, hindi pa rin malayong magkaroon na ng lamok sa Iceland sa hinaharap dahil sa climate change. Nasa 200 na insekto na ang natutong manirahan sa Iceland dahil sa pag-init ng panahon at kung tataas pa ang temperatura ay maaring sumunod na rin ang mga lamok.

Ngunit sa ngayon isang lamok lang ang matatagpuan sa Iceland at matatagpuan ito sa Icelandic Institute of Natural History. Naka-preserba ang insekto sa isang maliit na bote ng alcohol simula pa noong 1980s kung kailan nahuli ito ng isang scientist sa loob ng eroplano.

 

Show comments