Dear Attorney,
May nakasaad po ba sa batas ukol sa halagang maaring hingin mula sa ama ng isang bata? Hindi na po kami nagsasama ng ama ng anak ko at hindi rin regular ang pagbibigay niya ng perang panggastos namin kaya gusto ko po sanang malaman kung nakatakda ba sa batas ang halaga na maari kong hingin kapag siningil ko na siya para sa child support.—Marilyn
Dear Marilyn,
Walang itinatakda ang batas sa kung magkano ang kailangang ibigay na child support ng isang magulang sa kanyang anak.
Ayon sa Article 194 ng Family Code, ang child support ay tumutukoy sa anumang tulong na kakailanganin ng isang bata. Bukod sa pang-araw araw na pangangailangan katulad ng pagkain at matitirhan, masasabi ring kabilang sa child support ang pagbibigay ng pangangailangang medikal at maging ang gastusin sa araw-araw na transportasyon. Kahit pa nasa hustong edad na ang anak, kailangan pa rin silang suportahan katulad ng paggastos para sa kanilang edukasyon upang sila ay magkaroon ng trabaho o propesyon.
Sa kabila ng depinisyong ito, hindi naman itinakda ng batas ang halagang kailangang ibigay bilang suporta. Nakasaad lamang sa Article 201 ng Family Code na ang support na kailangang ibigay ng isang magulang ay nakabatay sa kanyang kakayahang magbigay at sa mga pangangailangan ng kanyang anak.
Sa madaling sabi, nakadepende sa kinikita ng ama ng iyong anak ang halaga na maari mong hilingin. Mabuti kung may sapat na kinikita ang lalaki dahil may makukuha ka sakaling umabot sa demandahan ang paniningil mo ng pantustos para sa inyong mag-ina. Ang problema ay kung wala namang sapat na kinikita ang lalaki. Kahit magkano pa kasi ang singilin mo sa kanya, kung kapos naman ang kanyang kinikita ay hindi mo rin makukuha ang halagang hinihiling mo kahit pa ipag-utos ng korte sa ama ng iyong anak na magbigay ng kaukulang child support.
Anuman ang kanyang kakayahan, mas mainam sa puntong ito na makipag-usap ka sa ama ng iyong anak at ipaalam sa kanya ang kailangan niyang ipantustos sa inyong mag-ina upang alam niya ang obligasyon sa inyo.