Silang mga handa, at hindi handa sa pagbubukas ng klase
Nasiyahan ang maraming magulang, lalo na ang hindi pa handa sa gagamitin ng kanilang mga anak sa tinatawag na distance learning.
Mahigpit pa rin kasing ipinagbabawal ang face-to-face na klase dahil sa banta ng COVID.
Natuwa rin ang mga guro, dahil kailangan pa nga naman ang matinding paghahanda at adjustment sa bagong paraan nang pagtuturo.
Maging ang mga kakailanganing material partikular ang mga modules.
Ok na sana, pero nung Sabado may bagong announcement ang DepEd kung saan pinahihintulutan ang mga pribadong paaralan at mga non-DepEd schools na magpatuloy ng pagbubukas ng klase sa Agosto 24, o anumang petsa bago mag-Oktubre 5.
Pero ‘yun nga kailangan matiyak ng mga paaralan na istriktong distance learning modalities lamang ang kanilang gagamitin at walang magaganap na face-to-face classes.
Dito na naman nagkaroon ng kalituhan sa panig ng mga magulang at mga mag-aaral.
Tanong nila, ano ba talaga?
Huwebes nang ianunsyo ng DepEd ang pagpapaliban sa pagbubukas ng klase matapos na aprubahan ni Pangulong Digong ang kanilang rekomendasyon.
Ito ay dahil nga sa muling paglalagay sa MECQ ang Metro Manila at apat pang lalawigan na masyado nang dikit sa itinakda noong una na pagbubukas ng klase.
Sinabi ng DepEd na aplikable ang kautusan sa pribado at pampublikong paaralan.
Nabigla naman ang mga private schools na nagpahayag na handang-handa na silang magbukas ng klase sa Agosto 24.
Kaagad ding lumiham sa DepEd ang naturang grupo at nanghingi ng clarificatory order hinggil sa kautusan nito.
Sana ay mas linawin pa itong maigi ng tanggapan, dahil marami pa ring magulang ang nalilito.
Kung talagang handa na ang maraming pribadong paaralan sa pasukan, baka naman ang mga magulang ng kanilang mga mag-aaral ang hindi pa handa.
Natanong na rin ba sila?
Baka dapat ding kunsoltahin ang bawat panig at doon masasabing handa na nga sa bagong pamamaraan ng pag-aaral.
- Latest