Lupang ibinenta sa pamamagitan ng pekeng special power of attorney, mababawi pa ba?

Dear Attorney,

Mahahabol pa po ba namin ang lupang ibinenta ng kapatid ng nanay ko? Dapat po ay magkahati ang nanay at tiyahin ko sa lupang iyon na minana nila sa kanilang magulang pero ibinenta niya itong mag-isa sa pamamagitan ng paggawa ng pekeng special power of attorney upang mapalabas na pumayag ang nanay ko sa naging bentahan.

Balita ko po, nagawa ng pinagbentahan ng lupa na mailipat ang titulo ng lupa sa pangalan niya at kalaunan ay ibinenta niya rin ito sa ibang tao. May magagawa pa ba kami upang mabawi ang lupa? —Joel

Dear Joel,

Malabo nang mabawi n’yo ang lupa mula sa kasalukuyang may-ari nito. Kahawig ng sitwasyon n’yo ang kaso ng Camper Realty Corporation v. Pajo-Reyes (G.R. No. 179543, October 6, 2010). Sa nasabing kaso, ibinenta rin ang isang lupa sa pamamagitan ng pinekeng special power of attorney. Matapos magawan ng titulo ang lupa sa pangalan ng mga napagbentahan ay ibinenta muli ang lupa sa ibang tao.

Ayon sa Korte Suprema, hindi na maaring bawiin ang lupa mula sa mga kasalukuyang may-ari nito dahil sila’y matatawag na “innocent purchaser for value.” Kapag napatitulohan na kasi ang lupa ay maari nang umasa ang nagbabalak bumili ng lupa sa kung ano ang nakasaad sa titulo nito at hindi na niya kailangan pang mag-imbestiga pa kung wala naman siyang nakikitang dahilan upang paghinalaan ito.

Katulad ng naging desisyon ng Korte Suprema, may karapatan din ang pinakahuling pinagbentahan ng lupa na magtiwala sa titulong ipinakita sa kanila lalo na’t wala naman silang kaalam-alam sa pamemekeng ginawa diumano ng tiyahin mo.

Kaya kung wala kayong patunay na may kinalaman o may alam ang mga pinakahuling pinagbentahan ng lupa sa sinasabi mong ginawang pamemeke ng iyong tiyahin ay malabong mabawi n’yo pa ang lupa. Ang maari n’yo lamang gawin ay magsampa ng kaukulang kaso laban sa iyong tiyahin.

Show comments