LUBHANG nagtataka si Brenda Cridland, taga-Idaho kung bakit mabigat ang kanyang timbang. Akala niya, tumataba lang siya dahil menopause na.
Pero ganun na lamang ang kanyang panlulumo sapagkat mayroon pala siyang 50-pound na tumor at ilang dekada na itong tumutubo sa kanyang katawan.
Akala ni Cridland, dulot lang ng edad ang paglobo ng kanyang timbang ngunit nang hindi na naging maganda ang lagay ng kanyang kalusugan, nagpasya na siyang magpatingin sa doktor.
Sa pamamagitan ng CT scan, napag-alaman na ang nagpapabigat sa kanyang timbang ay isang 50-pound na tumor.
Bagama’t benign o hindi naman cancerous ay iniipit pa rin ng tumor ang ilan sa mga organs ni Cridland, kaya sumama ang kalagayan ng kanyang kalusugan.
Inoperahan si Cridland at naalis ang malaking tumor. Ayon sa kanya, nabawasan ng 65 pounds ang kanyang timbang matapos operahan.
Sabi ni Cridland, magsilbing aral daw sa iba ang kanyang kuwento. Huwag ipagwalambahala ang mga senyales na kailangan nang magpatingin sa doktor para mailigtas ang buhay.