ISANG malaking pagtitipon ang nagaganap sa palasyo ni Queen Victoria dahil ang mga bisita ay kinabibilangan ng iba’t ibang pinuno ng bansa. Ang guest of honor ay isang black African chieftain.
Maraming pagkain ang isinisilbi sa mga bisita. Noong panahong iyon, uso ang pagbibigay sa bisita ng finger bowl na may tubig kapag lobster, clams, corn on the cob ang ihahain. Isasawsaw ang dulo ng daliri sa finger bowl bago kumain dahil kinakamay ang mga nabanggit na pagkain.
Walang alam ang African chieftain tungkol sa dining etiquette, gamit ang finger bowl. Kaya nang ilagay sa harapan niya ito, hinigop niya ang tubig sa bowl nang buong kagalakan. Lahat ng bisita ay napanganga sa ginawa ng chieftain. Kahit si Queen Victoria ay hindi rin nakakibo. Pero ang concern ng reyna ay iligtas sa kahihiyan ang kanyang guest of honor.
Hindi dapat mahalata ng chieftain na mali ang kanyang ginawa. Kaya sa isang iglap ay ininom din ni Queen Victoria ang tubig sa bowl. Parang may dumaang anghel nang mga sandaling iyon. Ang bagsak ng aspile ay tiyak na maririnig nang buong linaw.
Iyon ang naging hudyat para ang lahat ng bisita sa bulwagan ay gumaya sa reyna. Ininom din nila ang tubig sa bowl na ibinigay sa kanila. Natapos ang masayang party. Nilisan ng African chieftain ang bulwagan nang hindi nahalata na iniligtas siya ng reyna sa kahihiyan.
“It’s like chess, you know. The Queen saves the King.” – Terry Pratchett